ni Lolet Abania | February 28, 2021
Mariing ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pa rin niya papayagan ang face-to-face classes kahit pa may mga dumating nang vaccines kontra-COVID-19 sa bansa. “Huwag muna ngayon. Not now. I cannot make that decision,” ani Pangulong Duterte sa press briefing na isinagawa sa Villamor Air Base sa Pasay City kung saan dumating ngayong Linggo ang 600,000 doses ng COVID-19 vaccines mula sa Chinese drugmaker na Sinovac.
Ito ang naging tugon ni P-Duterte sa tanong sa kanya kung papayagan ang pagbabalik ng in-person classes dahil mayroon nang bakuna na dumating sa bansa.
Sinabi ng Pangulo na ang face-to-face classes sa panahon ngayon ay maglalagay sa mga batang mag-aaral sa kapahamakan.
“I am not ready to lose the lives of our young people,” sabi pa ng Pangulo.
Matatandaang binanggit ni P-Duterte na hindi niya papayagan ang in-person classes hangga’t wala at hindi nagkakaroon ng vaccine kontra-COVID-19 ang bansa.
Gayundin, noong nakaraang linggo, tinanggihan ng punong ehekutibo ang Department of Education (DepEd) sa mungkahi nitong magsagawa ng isang dry run ng face-to-face classes sa bansa.
Comments