ni Lolet Abania | January 9, 2022
Nilinaw ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ngayong Linggo ang naging pahayag hinggil sa isyu ng face shield dahil hindi aniya, nire-require ng lokal na gobyerno ang pagsusuot nito sa lungsod.
Sa isang statement, sinabi ni Teodoro na ang paggamit ng face shields ay nananatiling optional at walang penalty para sa mga indibidwal na hindi magsusuot nito.
Ayon kay Teodoro, hinihimok lamang niya ang publiko na magsuot ng face shields sa mga matataong lugar para aniya “makadagdag proteksyon” laban sa COVID-19.
"[I]to ay bahagi lamang ng ibayong pag-iingat o added precaution sa crowded o congested areas," ani alkalde.
“Pinapayuhan ang publiko na patuloy na mag-ingat lalo na at lumolobo ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila dulot ng Omicron variant,” sabi pa ni Teodoro.
Matatandaang ginawang boluntaryo na lamang ng pamahalaan ang paggamit ng face shields sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1, 2, at 3.
Gayunman, ang mga establisimyento o mga employers ay maaaring i-require ang paggamit ng face shields sa kani-kanilang lugar.
Comments