ni Lolet Abania | February 9, 2022
Nagbalik na sa kanilang mga classrooms ang ilang mga estudyante sa elementary at high school sa Metro Manila ngayong Miyerkules, habang ang mga paaralan ay nagpatuloy na rin sa kanilang in-person classes sa ilalim ng Alert Level 2.
Kasabay ng pagre-resume ng klase ay ang pagsisimula naman ng “expansion phase” ng in-person classes sa National Capital Region (NCR) sa ilalim ng mga paaralan na pinayagang magsagawa na rin ng face-to-face sessions.
Una nang ipinahayag ng Department of Education (DepEd) na ang 28 eskuwelahan na nakiisa sa “pilot phase” ay maaari nang ipagpatuloy ang kanilang in-person classes. Hindi naman agad masabi ng ahensiya kung ilang paaralan ang muling magbubukas sa ilalim ng expansion phase.
Sa ulat, sinalubong ng Disiplina Village Bignay Elementary School (DVBES) sa Valenzuela City ang kanilang mga estudyanteng papasok ulit, kung saan nasimulan na ng paaralan ang pilot face-to-face classes. Ipinagpatuloy na ng paaralan ang kanilang F2F classes matapos na ang National Capital Region (NCR) ay isailalim sa Alert Level 2 mula Pebrero 1 hanggang 15.
Naghanda ang DVBES ng maraming classrooms para sa mga estudyante ng Kinder at Grades 1 hanggang 3. Nasa tinatayang 16 na estudyante kada year level, ang pinapayagang mag-participate sa pilot face-to-face classes.
Ayon sa mga guro ng naturang paaralan, plano na rin nilang i-resume ang F2F classes para sa mga estudyante ng Grades 4 hanggang 6. Samantala, isa sa mga eskuwelahan na nagsimula na ulit ng kanilang in-person classes sa ilalim ng expansion phase ay ang Pio del Pilar Elementary School sa Manila, kung saan ang mga estudyante at mga guro ay makikitang labis ang excitement sa kanilang pagbabalik, matapos ang halos 2 taon ng tinatawag na remote learning dahil sa pandemya.
Tiniyak naman ni Principal Susan Ramos ng Pio del Pilar Elementary School, na handa ang paaralan para i-isolate ang sinuman na magkakasakit o makararanas ng COVID-19 symptoms.
“’Pag may symptoms ang bata, ipapa-test namin siya. I-isolate kaagad siya. Mayroon kaming clinic,” sabi ni Ramos. Ayon sa DepEd, ang expansion phase ay ikalawa mula sa three-part plan ng ahensiya para sa gradwal na pagbubukas muli ng basic education schools sa gitna ng pandemya ng COVID-19.
Comments