ni Lolet Abania | May 30, 2022
Inaasahan ng Department of Education (DepEd) na lahat ng mga paaralan sa bansa ay magbabalik na sa face-to-face classes sa Hunyo ng kasalukuyang taon, sa gitna ng pandemya ng COVID-19.
Sa Laging Handa public briefing ngayong Lunes, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na ang mga regional offices ay bumubuo ng kakaibang approaches at modalities base sa magiging assessment ng Department of Health (DOH) at mga lokal na pamahalaan sa kanilang lugar.
“By June, which is already a few days away from now, sa next academic school year, ini-expect natin na fully 100% na talaga ‘yung pag-implement natin ng face-to-face classes,” sabi ni Briones.
Ayon kay Briones, hanggang nitong Mayo 26, mahigit sa 34,000 o 73% ng pampublikong paaralan ay handa na para sa face-to-face classes. Aniya pa, pinayuhan na rin ng DepEd ang mga pribadong paaralan na magsagawa na ng in-person classes.
Binanggit na rin ng DOH, noong nakaraang linggo na ang F2F classes, anila ay “healthier” at makapagbibigay ng maraming benepisyo.
“Face-to-face attendance in school will allow children to develop their cognitive and social skills experientially,” saad ng DOH. “F2F promotes physical and mental health and well-being. This is based on the latest scientific evidence,” dagdag ng DOH.
Comments