Eyewitness, wa’ epek kung ebidensiyang ipinrisinta kulang
- BULGAR
- 1 day ago
- 7 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Apr. 6, 2025
ISSUE #351
Napakahalaga ng ebidensiya sa bawat paglilitis ng kaso, lalo na sa kasong kriminal. Hindi lamang dito malalaman ang katotohanan, dahil dito rin nakasalalay upang makamit ng biktima ang hustisyang inaasam.
Ano nga ba ang maaaring mangyari o maging epekto sa kaso kung sakali na magkulang ang panig ng tagausig sa pagprisinta ng ebidensiya sa hukuman?
Sabay-sabay nating tunghayan ang kuwento ni Jun na hango sa kaso na People of the Philippines vs. Rogelio Mangune y Castillo a.k.a. “Roger Piano” (CA-G.R. CR-HC NO. 18574, February 26, 2025), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Emily R. Aliño-Geluz (Seventh Division), at matuto sa mga tuntuning ibinahagi ng Court of Appeals (CA) Manila.
Si Jun ay biktima ng malagim na pamamaril na naganap noong Disyembre 31, 2010, sa Tondo, Manila.
Ang mga napagbintangan na merong kinalaman sa nasabing pamamaril ay sina Roger, Arnel at Michael. Diumano, nagtulungan sila nang merong pagtataksil at malinaw na paghahanda upang isakatuparan ang pamamaslang sa biktima.
Kasong murder ang inihain laban kina Roger, Arnel at Michael sa Regional Trial Court (RTC) of Manila.
Gayunpaman, “not guilty” ang taimtim nila na naging pagsamo sa hukuman.
Batay sa bersyon ng tagausig, si Jun ay nakikipag-inuman sa Molave Street, sa Tondo, bandang alas-8:00 ng gabi, noong Disyembre 31, 2010, nang meron diumano biglang dumating na dalawang lalaki na lulan ng isang motorsiklo.
Ang nagmamaneho ng nasabing motorsiklo ay nakasuot diumano ng basketball jersey, habang ang nakaangkas na lalaki ay nakasuot ng itim na jacket, sombrero at may panyo na nakatakip sa kanyang mukha.
Diumano, bigla na lamang pinaputukan ng baril si Jun ng lalaking nakaangkas, dahilan upang mapahiga umano ang biktima sa lupa.
Nasaksihan diumano ni Kenneth, pinsan ni Jun, ang pangyayari. Si James naman, na may tatlo hanggang apat na metro ang layo, nakita niya rin diumano ang insidente ng pamamaril at tinamaan pa umano siya ng ligaw na bala.
Nabalitaan diumano ng kapatid ni Jun na si Rolando ang kagaganap lamang na pamamaril. Agad umano itong nagtungo sa lugar na pinangyarihan ng insidente at nakita si Jun na nakahandusay na sa lupa habang tinututukan ng baril ng isang lalaki.
Nadala pa umano ni Rolando si Jun sa pagamutan, subalit binawian din ito ng buhay.
Batay sa imbestigasyon na isinagawa ni SPO4 Ignacio, si Jun ay biktima umano ng “riding-in-tandem”. Nakitaan diumano ng koneksyon ang pamamaril kay Jun sa hiwalay na insidente ng pamamaril na naganap sa Caloocan noong Enero 1, 2011. Nakita umano sa camera ang insidente ng pamamaril, dahilan diumano sa pagkilala kina Arnel at Michael na mga may gawa ng krimen.
Sa autopsy na isinagawa sa bangkay ni Jun, narekober ang isang deformed na basyo ng bala mula sa kanyang vertebral column. Nakita rin sa nasabing pagsusuri na ang sugat na tinamo ng biktima ay kawangis na hugis ng narekober na bala.
Naaresto si Arnel noong Enero 6, 2011. Diumano, merong nakita na mga mensahe sa kanyang cellphone ukol sa ilang pamamaslang na nag-uugnay kay Roger. Meron diumanong nabanggit sa mga mensahe ni Roger ukol sa magiging kabayaran.
Noong Enero 8, 2011 ay inimbitahan naman si Randy sa himpilan ng pulis sapagkat nabanggit diumano ang kanyang pangalan sa mga mensahe ni Roger.
Batay sa kusang loob na salaysay ni Randy, nagkita umano sina Roger, Arnel at Michael noong Nobyembre 2010 at inutusan diumano ni Roger sina Arnel at Michael na patayin ang kapitbahay nito na si Jun.
Sa isinagawa na police lineup, kinilala umano ni Kenneth sina Arnel at Michael bilang mga pumaslang kay Jun.
Mariin namang itinanggi ni Roger ang paratang laban sa kanya. Aniya, siya ay nag-aalaga ng kanyang anak sa kanilang bahay nang bigla na lamang siyang nakarinig ng kumosyon sa labas ng kanilang bahay. Napag-alaman diumano niya na bumaril sa kapitbahay niya na si Jun. Nang humupa na umano ang kumosyon, sa bahay na ng kapatid ng kanyang asawa sa Cubao, Quezon City, nagdiwang ng Bagong Taon si Roger at ang kanyang pamilya. Diumano, makalipas ang dalawang araw, nalaman niyang pumanaw na si Jun.
Matapos ang halos labing-tatlong taon mula nang maganap ang pamamaslang kay Jun, nagbaba ng desisyon ang RTC. Guilty beyond reasonable doubt para sa krimen na murder ang mga inakusahan.
Ayon sa RTC, napatunayan ng ebidensiya ng tagausig na sina Arnel at Michael ang bumaril kay Jun. Napatunayan din umano ang kriminal na responsibilidad ni Roger bilang principal by inducement batay sa mga mensahe na nakita sa cellphone ni Arnel.
Sina Roger at Arnel ay pinatawan ng pagkakakulong sa parusa na reclusion perpetua. Ipinag-utos din ng mababang hukuman na sila ay magbayad-pinsala at danyos sa mga naulila ni Jun.
Ang kaso naman laban kay Michael ay na-dismiss bunsod ng kanyang pagpanaw habang dinidinig ang naturang kaso, alinsunod sa Artikulo 89 ng Revised Penal Code (RPC).
Agad na naghain ng kanilang apela sina Arnel at Roger upang hilingin na mabaliktad ang ibinaba na hatol ng RTC. Subalit, sa pamamagitan ng isang mosyon, iniurong ni Arnel ang kanyang apela at ipinaabot sa CA Manila ang kanyang pagnanais na pagdusahan na lamang ang parusa na ipinataw sa kanya ng RTC. Ipinagkaloob ng hukuman ng mga apela ang nasabing mosyon.
Samantala, nagpatuloy naman ang apela ni Roger. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan C.J.S. Mendoza mula sa aming PAO-Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS), iginiit ng depensa na mali ang ibinabang desisyon ng RTC, sapagkat hindi umano napatunayan ng tagausig ang pagkakakilanlan nina Arnel at Michael bilang mga bumaril sa biktima. Mali rin umano ang RTC na hindi nito binigyan ng halaga ang depensa ng pagtanggi ni Roger.
Dagdag pa ng depensa, hearsay diumano ang testimonya ni SPO4 Ignacio at ng saksi ng tagausig na si Randy. Hindi rin umano napatunayan nang higit sa makatuwirang pagdududa ang lahat ng mga elemento ng murder.
Sa muling pagsisiyasat sa apela ni Roger, ipinaalala ng CA Manila ang mga elemento ng krimen na Murder, na dapat ay: (1) Merong tao na napaslang; (2) Ang akusado ang pumaslang sa biktima; (3) Merong alinman sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng RPC; at (4) Hindi parricide o infanticide ang naganap na krimen.
Batay sa desisyon ng appellate court, naitaguyod ang unang elemento ng krimen, sapagkat napatunayan na binaril si Jun na naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Napatunayan din ang ikaapat na elemento – na hindi parricide o infanticide ang naganap na krimen.
Subalit, napatunayan ba ang ikalawang elemento? Batay sa desisyon ng RTC, sina Arnel at Michael ay mga principals by direct participation. Sila ay sapat na kinilala umano ng mga saksi na sina James at Rolando bilang bumaril sa biktima. Si Roger naman ay kinilala bilang principal by inducement base sa salaysay ng saksi na si Randy, sapagkat inutusan at inudyukan niya umano ng kabayaran sina Arnel at Michael upang kitilin ang buhay ni Jun.
Gayunpaman, naging kapuna-puna umano sa CA Manila na hindi partido si Randy sa sinasabi niya na naganap na usapan sa pagitan ng tatlong inakusahan at na hindi niya personal na kilala si Jun. Naging kapuna-puna rin diumano sa hukuman ng mga apela na kahit na hindi nagbigay ng kanyang testimonya sa hukuman si Randy upang patotohanan ang kanyang mga pahayag na isinaad niya sa kanyang salaysay ay kinonsidera ng mababang hukuman ang due execution nito at pinagbatayan pa ang nilalaman nito sa paghahatol sa mga inakusahan. Para sa appellate court, mali ang RTC sa hatol nito kay Roger sapagkat ang hindi pagpiprisinta kay Randy sa pagdinig ay nangangahulugan na ang kanyang salaysay ay hearsay evidence. Kung kaya’t hindi ito maaaring bigyan ng timbang bilang ebidensiya. Ganundin ang cellphone ni Arnel, na sinasabi na naglalaman ng mga mensahe na nag-uugnay kay Roger sa pamamaslang sa biktima, sapagkat hindi rin ito ipinrisinta sa hukuman.
Binigyang-diin ng hukuman ng mga apela na ang pagbubukod sa mga nasabing ebidensiya bilang hearsay evidence ay bunsod ng tatlong dahilan: Una ay ang kawalan ng pagkakataon na ma-cross examine ng depensa ang saksi na pinagmulan ng naturang ebidensiya; Ikalawa, ang kawalan ng katibayan ng kilos ng naturang saksi; At ikatlo, ang kakulangan o kawalan ng panunumpa ng saksi na pinagmulan ng nasabing ebidensiya.
Kapansin-pansin din diumano sa appellate court na, matapos isantabi ang salaysay ni Randy at ang cellphone ni Arnel, wala nang iba pang ebidensiya ang nagpapatunay sa ibinibintang kay Roger na pag-uutos at pag-uudyok diumano nito kina Arnel at Michael na isakatuparan ang pamamaslang kay Jun.
Maging ang testimonya umano ni SPO4 Ignacio ay hindi maaaring magamit bilang katibayan ng kriminal na responsibilidad ni Roger. Para sa appellate court, ang naturang testimonya ay nagpapatunay lamang diumano sa isinagawang imbestigasyon ni SPO4. Ngunit dahil sa kakulangan ng tagausig, hindi nito pagprisinta kay Randy sa hukuman, maging ang kakulangan sa pagprisinta sa cellphone ni Arnel, hindi umano magagamit na sandigan. Binigyang-diin ng CA Manila, sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Emily R. Aliño-Geluz ng Seventh Division:
“The jurisprudence and law on the matter of hearsay is clear, such that a witness may only testify to facts derived from personal knowledge and not on matters that witness has learned, read or heard from another person.”
Ipinaalala rin ng hukuman ng mga apela na ang pasanin ng pagpapatunay ng pagkakasala ng inakusahan nang higit sa makatuwirang pagdududa ay nakaatang sa tagausig. Walang pasanin ang inakusahan na patunayan ang kanyang kawalan ng kasalanan.
Kung kaya’t, bagaman likas na mahina ang depensa ng pagtanggi at pagdadahilan ng isang inakusahan, kung higit na mahina naman ang ebidensiya ng tagausig at meron kahit na katiting na pagdududa sa pagkakasala ng inakusahan ay kinakailangan na ang kapasiyahan ng hukuman ay kikiling para sa kaniyang pagpapawalang-sala. Sa kasong ito umano, bagaman positibo na kinilala ng mga saksi na sina Arnel at Michael ang may-akda ng pamamaril sa biktima, wala umanong ebidensiya na nagpapatunay sa paratang laban kay Roger na siya ang nag-uutos at nag-udyok na patayin si Jun.
Dahil dito, ipinag-utos ng CA Manila na isinasantabi ang naunang desisyon ng RTC Manila at ipinapawalang-sala si Roger. Ang nasabing desisyon ay naging final and executory rin noong ika-26 ng Pebrero 2025.
Nakakalungkot na sa kabila ng pagkakaroon ng saksi at ebidensiya, hindi pa rin nakamit ng biktima ang hustisya laban kay Roger dahil sa mga naging pagkukulang na naganap sa pag-uusig ng kaso. Gayunpaman, hindi naging lubos na kawalan ang ginawang pagsisikap ng mga naulila ni Jun sa pagsulong ng kaso, sapagkat tinanggap ni Arnel ang ipinataw na kaparusahan sa kaniya, sa kulungan siya ay nagbabayad at nagdurusa.
Patuloy ang aming panalangin na makamit ng bawat biktima ang hustisya. Patuloy rin kaming magsisikap na tulungan ang bawat isa sa aming mga kliyente na inaakusahan upang makamit din nila ang angkop na katarungan.
Kommentare