ni Ryan Sison - @Boses | August 13, 2021
Kung pahahabain pa ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila, maaaring bumaba sa mga susunod na buwan ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ang mungkahi ng Department of Health (DOH), kung saan limang linggong ECQ ang kinakailangan upang magawa ito.
Base sa datos ng DOH, halos nasa 21,000 ang aktibong kaso sa National Capital Region (NCR), pero puwede umanong bumaba sa 15,262 ang daily active cases sa katapusan ng Setyembre kung magsasagawa ng isang linggong GCQ with heightened restrictions at limang linggong ECQ.
Kung isang linggong GCQ with heightened restrictions at tatlong linggong ECQ at dalawang linggong MECQ, naman, posibleng umabot sa 42,050 ang active cases kada araw
Kapag isang linggong GCQ with heightened restrictions, 2 linggong ECQ at 3 linggong MECQ, maaaring umabot ng 58,255 ang active cases sa katapusan ng Setyembre.
Sa kabila nito, nagpaalala ang DOH na maaari pa ring magbago ang projection depende sa kilos ng publiko.
Bagama’t hindi talaga makaiiwas sa banta ng Delta variant, nagpaalala rin ang ahensiya na hindi malalaman sa sintomas kung ang variant na tumama sa isang tao ay Delta o hindi.
Kung maraming dumaing sa dalawang linggong ECQ sa Metro Manila, ang tanong, kakayanin pa ba nating pahabain ito?
Kamakailan, balik sa dati ang marami nating kababayan — pahirapang pagbiyahe dahil sa limitadong transportasyon, habang ang iba naman ay tambay muna dahil piniling magtigil-operasyon ng kanilang pinapasukang kumpanya.
At kahit tuloy ang bigayan ng ayuda, hindi naman puwedeng dito lamang umasa ang marami nating kababayan. Kumbaga, kailangan pa ring lumabas at kumayod para may maipantustos sa araw-araw na pangangailangan.
Kaya naman pakiusap sa mga kinauukulan, pag-aralang mabuti kung talaga bang kakailanganing pahabain pa ang lockdown o mas dapat tumutok sa iba pang hakbang kontra COVID-19.
At paalala naman sa taumbayan, hindi lamang gobyerno ang dapat kumilos dahil bilang mamamayan, tungkulin nating sumunod sa lahat ng hakbang at pag-iingat na ginagawa ng pamahalaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments