ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | September 5, 2020
Hello, Bulgarians! Nagdiwang ng ika-63 taong anibersaryo ang Social Security System (SSS) noong Setyembre 1, 2020 sa temang “SSS @ 63: Responding to the Times through Express Services.”
Bahagi ng pagdiriwang ng ahensiya ang isang month-long online activities gamit ang kanilang Facebook Page at Youtube Channel. Bukod pa rito, inilunsad din nila ang “ExpreSSS” na siyang naging highlight ng selebrasyon.
Ayon kay SSS President and CEO Aurora C. Ignacio, ang ExpreSSS ay mas pinasimple, mas pinabilis at mas pinadaling paraan ng registration, filing ng benefits at loans at iba pang transaksiyon sa SSS.
Ito umano ang produkto ng patuloy na pagbabago pagdating sa digital transformation sa loob ng ilang taon. Dagdag pa ni Ignacio, isa ito sa mga inisyatibo ng ahensiya na manguna sa pagsunod sa Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 at masigurong patuloy ang pagbibigay-serbisyo kahit sa panahon ng pandemya.
Bahagi rin ng ExpreSSS ang lingguhang uSSSap Tayo live episode na mapapanood sa SSS Facebook Page. Samantala, magsasagawa rin ng webinar tatlong beses sa isang linggo. Para makasali, maaaring mag-register sa kanilang link na naka-post sa kanilang FB page.
Tatalakayin sa webinar ang online services tulad ng SS number applications, Payment Reference Number Generation, Employment Report (R-1A) Form submission, Sickness & Maternity Notification at Sickness Benefit Reimbursement Application.
Kaya naman, inaanyayahan ng ahensiya ang lahat ng miyembro na makiisa sa mga inihanda nitong aktibidad mula Sept. 2 hanggang 30 para mas maunawaan at mas mapadali ang lahat ng transaksiyon sa SSS.
Para sa iba pang impormasyon, maaaring bisitahin at i-follow ang kanilang Facebook Page at Youtube Channel na “Philippine Social Security Sytem” o mag-send ng katanungan sa uSSSap Tayo Customer Relationship Management System (CRMS) sa crms.sss.gov.ph.
תגובות