ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 28, 2023
Dear Chief Acosta,
Tatlong (3) taon na kaming nagsasama ng aking nobyo subalit hind pa rin kami ikinakasal. Plano na naming magpakasal sa susunod na buwan dahil nagdadalang-tao na ako, kailangan pa ba namin kumuha ng marriage license kahit matagal na kaming nagsasama? — Alma
Dear Alma,
Para sa iyong kaalaman, ayon sa Artikulo 34 ng ating Family Code of the Philippines, ang dalawang tao na nagsasama na parang mag-asawa nang hindi bababa sa limang (5) taon ay maaaring magpakasal kahit na walang marriage license.
Ayon sa nasabing batas: “Art. 34. No license shall be necessary for the marriage of a man and a woman who have lived together as husband and wife for at least five years and without any legal impediment to marry each other. The contracting parties shall state the foregoing facts in an affidavit before any person authorized by law to administer oaths. The solemnizing officer shall also state under oath that he ascertained the qualifications of the contracting parties are found no legal impediment to the marriage.”
(Binigyang-diin)
Sa iyong sitwasyon, dahil sa tatlong (3) taon pa lamang kayong nagsasama ng iyong nobyo, kinakailangan pa rin ninyo na kumuha ng marriage license bago magpakasal.
Kung hindi kayo kukuha ng marriage license, maaaring mawalan ng bisa ang isasagawa ninyong kasal sapagkat ito ay isa sa mga formal requisites ng kasal na hindi maaaring mawala maliban sa ilang sitwasyong itinatakda ng batas alinsunod sa Articles 3 at 4 ng ating Family Code.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comments