ni Jeff Tumbado | May 5, 2023
Aktibong naghahanap ng mga solusyon ang Land Transportation Office (LTO) na layong simplehan ang mga proseso sa ahensya upang hindi makaporma ang mga fixer at kabilang sa mga pinag-aaralan ngayon ay posibilidad na paikliin ang pagsusulit para sa mga kukuha ng lisensya ng pagmamaneho.
Aminado si LTO Chief Jay Art Tugade na ang mahaba at matagal na proseso sa ahensya ay isa sa mga dahilan kaya’t tinatangkilik ng ilang aplikante ang alok na mga serbisyo ng fixer.
Makaraang mabatid na ang kasalukuyang pagsusulit para sa kumukuha ng lisensya sa pagmamaneho ay inaabot ng isang oras, agad na iniutos ni LTO Chief Tugade ang pagbuo ng komite na susuri sa hanay ng mga tanong at kung maaari ay mapaikli ito nang hindi nakokompromiso ang kalidad ng drayber na makakapasa.
Kabilang sa mga pinag-aaralang pagsusulit ay para sa mga bagong kumukuha ng non-professional license at conductor's license, pinababagong klasipikasyon mula non-professional tungong professional driver's license, at pagdaragdag ng driver's license code.
Maliban sa pagpapaikli sa oras ng pagsusulit, inaaral na rin ng komite na gawing "customized" ang mga tanong, depende sa klasipikasyon ng lisensya o driver's license code na kinukuha ng aplikante.
Comments