ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Mar. 28, 2025

DAMING NAG-PRAYER RALLY SA B-DAY NI EX-P-DUTERTE, PATUNAY ITO NA MARAMI PA RING NAGMAMAHAL SA KANYA -- Sa ika-80 kaarawan ni ex-P-Duterte ay maraming Duterte Diehard Supporters (DDS) ang nagsagawa ng prayer rally sa iba’t ibang panig ng bansa para ipagdasal na makalaya at makauwi na sa ‘Pinas ang dating presidente.
Patunay ang prayer rally na iyan na marami pa ring nagmamahal kay ex-P-Duterte, period!
XXX
KAYA AYAW UMUWI NG ‘PINAS NI ROQUE DAHIL ALAM NA AARESTUHIN SIYA SA NAIA -- Pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula United States (US) ay agad inaresto ng mga otoridad si Mayor Ryanh Dolor ng Bauan, Batangas na kinontempt ng Kamara dahil sa pang-iisnab sa House hearing na may kaugnayan sa privatization ng Bauan Waterworks System.
Iyan ang dahilan kung kaya’t ayaw umuwi ng ‘Pinas si former presidential spokesman Harry Roque kasi may arrest order din sa kanya ang Kamara at alam niyang aarestuhin din siya pagdating niya sa NAIA, boom!
XXX
YARI ANG MGA NAG-FAKE NEWS NA MAY NAG-SUICIDE NA MAGSASAKA DAHIL SA LUGI -- Sa isinagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ay sinabi nila na fake news na may magsasakang nagpakamatay dahil nalugi sa pagsasaka.
Sigurado, yari sa NBI ang nagpasimuno sa fake news na ito kasi sa lahat ng ayaw ng ahensya ay iyong mga nagsasagawa ng fake news para linlangin ang publiko, period!
XXX
KAPAG SUMAPI SI EX-SEN. KIKO SA SENATORIAL CANDIDATES NI PBBM, TIYAK PUPUTAKTIHIN SIYA NG BATIKOS -- Sabi ni former Sen. Kiko Pangilinan na fake news daw ang nabalitang siya na ang kapalit ni Sen. Imee Marcos sa senatorial candidates ng Marcos administration.
Kaya kapag isang araw ay nakita nating nasa entablado na ng Alyansa ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) si Kiko, tiyak puputaktihin siya ng batikos ng netizens sa isyung ito.
Para iwas-batikos, dapat panindigan ni Kiko na hindi siya sasapi sa Alyansa senatorial slate ni PBBM, boom!
Comments