ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Feb. 9, 2025
![Be Nice Tayo ni Nancy Binay](https://static.wixstatic.com/media/3dfc8a_32b25dbd11214d639c1629340161a633~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/3dfc8a_32b25dbd11214d639c1629340161a633~mv2.jpg)
Noong nakaraang linggo naipasa sa Senado ang isang resolusyon na nagpaparangal kina dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada at dating Senadora Luisa “Loi” Ejercito.
Inihain ang Senate Resolution No. 1295 at Senate Resolution No. 1296 bilang pagkilala sa kanilang makabuluhang kontribusyon sa serbisyo-publiko at pambansang kaunlaran.
Naging senador si dating Pangulong Erap noong 1987. Samantala, si dating Sen. Loi naman ay naging senador noong 2001.
☻☻☻
Unang tumatak sa aking gunita si Joseph “Erap” Ejercito Estrada bilang tunay na lingkod-bayan dahil sa pakikipagkapit-bisig niya bilang miyembro ng Magnificent 12, bagama’t matagal na siya sa serbisyo-publiko na long-time mayor ng San Juan mula pa noong 1969.
Para sa akin, nadestila ang imahe ni Erap bilang bayani ng masa dahil sa pagiging miyembro niya ng Magnificent 12.
Bukod dito, minahal ng masa si Erap dahil nakita’t nadama nila hindi lamang ang pagnanais na makatulong, kundi maging sa mga konkretong programang kanilang mapapakinabangan.
Kaya rin siguro naging matimbang ang mga salita ni Erap noong kinukumbinsi akong sumabak sa halalan noong 2013. Mula sa kanyang halimbawa, nakapaghugot ako ng lakas ng loob na sa huli’t huli, mas mahalaga ang pagnanais na maglingkod, kasama ang pagsusumikap na mabayaran ang tiwalang ipagkakaloob ng taumbayan, kaysa anumang pinagmulan.
☻☻☻
Samantala, mula sa mga payo para sa mga praktikal na gawain sa Senado, marami ring naibahagi sa akin si Tita Loi tungkol sa buhay na hanggang ngayon ay pinakaiingatan ko.
Dahil sa mga payo ni Doktora Loi, nabigyan ako ng lakas ng loob na maaari akong magtagumpay sa larangang pinasok ko, basta’t tutularan ko ang ipinamalas niyang pagpapakumbaba at pagpupursigi.
Bitbit ang pagpapakumbabang ito, bagama’t anim na taon lamang siya sa Senado, ay naisiksik niya ang mahabang obra ng mahahalagang panukala na naisabatas dahil sa kanyang aktibong partisipasyon.
Kabilang na rito ang: Anti-Trafficking in Persons Act, ang Anti-Violence Against Women and their Children Act; National Health Insurance Program; Tobacco Regulation Act; Film Development Council Act; Comprehensive Dangerous Drugs Act; at Philippine Clean Water Act. Iba’t ibang mga batas na nagsusulong ng interes ng sambayanan, lalo na ng mga sektor na matagal na niyang ipinaglalaban, ang mga mahihirap, pamilya, kababaihan, at kabataan.
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!
FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments