Ex-PDu30, kahit nakakulong, todo-kampanya pa rin sa kanyang senatoriables
- BULGAR
- 3 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 21, 2025

DEDMA LANG SI VP SARA SA IMPEACMENT SA KANYA, ALAM NIYANG IPAPA-STOP NG SC DAHIL SA TEKNIKALIDAD -- Sinabi ni Atty. Romy Macalintal na dahil sa desisyon ni Senate Pres. Chiz Escudero na sa July 2025 pa uumpisahan ang impeachment trial kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, malaki raw ang posibilidad na dahil sa teknikalidad ay ipapabasura ng Supreme Court (SC) ang impeachment case laban sa bise presidente.
Isinampa raw kasi ng Kamara ang impeachment case kay VP Sara sa panahon ng 19th Congress na kinapapalooban ng mga senador na nagwagi noong 2022 elections kaya’t dapat daw ang mga senador na nakasama rito (19th Congress) ang didinig sa naturang kaso, at hindi ang mga bagong mahahalal na senador na mag-uumpisang manungkulan sa 20th Congress sa pagsapit ng July 1, 2025.
Kaya naman pala parang dedma lang si VP Sara sa impeachment case sa kanya dahil alam na niya na kapag humirit siya sa SC na ipabasura ang impeachment case sa kanya dahil sa teknikalidad ay awtomatik, ipapa-stop ng SC ang impeachment laban sa kanya, period!
XXX
FAKE NEWS ANG IKINALAT NOON SA SOCIAL MEDIA NA BABAYARAN NI BBM ANG UTANG NG BANSA ‘PAG NAGING PRESIDENTE SIYA, MAS LALO PANG NABABAON NGAYON SA UTANG ANG ‘PINAS -- Sa ulat ng IBON Foundation, sa loob lang ng 32 buwan sa puwesto ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay nakautang na ang administrasyon nito ng higit P4.64 trillion sa iba’t ibang financial institutions sa mundo.
Patunay iyan na fake news lang ang ikinalat sa social media ng mga Marcos loyalist noong 2022 presidential election na babayaran ni Marcos, Jr. ang lahat ng utang ng Pilipinas kapag siya ang nanalo at naging presidente, kasi nang maging Pangulo, lalong nabaon sa utang ang Pilipinas dahil sa kauutang ng Marcos administration, boom!
XXX
KAHIT NAKAKULONG, TODO-KAMPANYA PA RIN SI EX-PDU30 SA KANYANG MGA KANDIDATO SA PAGKA-SENADOR -- Sa paglabas ni Honeylet Avancena sa compound ng International Criminal Court (ICC) jail matapos niyang dalawin ang partner niyang si ex-PDu30 ay sinabi nito sa mga tagasuporta ng dating pangulo na ang bilin daw ng ex-president, dapat vote straight ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS) sa mga kandidato ng PDP sa pagka-senador.
Diyan makikita na kahit nakakulong, todo-suporta at nagagawa pa rin ni ex-PDu30 na mangampanya para maipanalo ang 10 niyang kandidato sa pagka-senador, period!
XXX
31% DAW GUMINHAWA ANG PAMUMUHAY SA MARCOS ADMIN? PARA NAMANG FAKE SURVEY IYAN -- Sa inilabas na survey ng SWS ay 31% daw ng mga pamilyang Pinoy ang nagsabi na gumanda raw ang kanilang pamumuhay sa Marcos admin.
Walang duda, fake survey iyan kasi ang daming naghihirap na mga Pinoy sa taas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, tapos iaanunsyo ng SWS na maraming pamilyang Pinoy na ang guminhawa raw ang buhay sa ilalim ng Marcos admin, boom!
Comments