ni Jasmin Joy Evangelista | December 10, 2021
Ibinahagi ni dating Pasig City mayor Bobby Eusebio na nabawi na niya ang kaniyang Facebook page matapos ang aniya'y 'di awtorisadong pag-access dito noong nakaraang linggo.
Matatandaang nag-viral ang mga post ng dating alkalde tungkol sa Christmas decorations ng lungsod.
Ayon sa post nitong Huwebes nang gabi, sinabi ni ex-Mayor Eusebio na na-hack ang “Bobby Eusebio official FB page" noong December 2, 2021, around 11:22 a.m.
“Batay sa aming pagsasaliksik ang hindi awtorisadong pag access sa aking FB Page ay nagsimula noong Disyembre 2, 2021 sa ganap na 11:22 AM. Agad naming itong naiparating sa Facebook, at sa pakikipagtulungan ng aming IT expert ay masaya kong ipinararating na atin na pong nabawi ang BOBBY EUSEBIO Official FB Page,” aniya.
“In the meantime, I appeal to friends and followers to report to Facebook and to my IT technician all suspicious activities or correspondences from my page that they may encounter. Maraming salamat,” dagdag pa niya.
Noong nakaraang linggo ay nag-viral ang posts ni Eusebio sa kanyang FB page hinggil sa pambabatikos nito sa kasalukuyang administrasyon sa Pasig dahil hindi umano ramdam ang Kapaskuhan sa lungsod dahil walang nagkalat na Christmas decorations.
Agad namang pinabulaanan ni Mayor Vico Sotto ang mga paratang ni Eusebio at sinabing mas naka-focus sila sa pamamahagi ng Christmas food packs sa lahat ng households sa Pasig City.
“Halimbawa, ang nabibigyan lang dati ng Pamaskong Handog, kung sino lang yung malapit sa nakaupo. Ngayon binibigyan natin lahat ng bahay dito. 'Yun 'yung hinahanap ng tao," pahayag ni Sotto.
“Ako, bilang mayor, kung ano 'yung gusto ng tao, 'yun 'yung binibigay natin using their funds," dagdag pa nito.
Ang mga rant na ito ni Eusebio ay binura rin sa naturang Facebook page.
Sinabi rin nito sa kanyang followers na i-report sa Facebook o sa kanyang IT staff ang anumang suspicious activities o correspondences sa kanyang FB page.
Comments