ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov 11, 2024
KAHIT MAY EDAD NA, MAY ‘BALLS’ PA RIN SI EX-P-DUTERTE NA HARAPIN ANG MGA CONG. NA MEMBER NG QUAD COMMITTEE -- Niresbakan ni ex-P-Duterte ang mga kongresistang nagsabing naduwag daw siyang humarap sa extrajudicial killings (EJK) probe, kasi ayon sa ex-president ay hindi raw siya natatakot sa mga miyembro ng Quad Committee ng Kamara, at kapag ipina-contempt daw siya at nakaharap ang mga cong. ay pagsisipain daw niya ang mga ito.
Patunay iyan na kahit may edad na, may “balls” pa rin si ex-P-Duterte na harapin ang mga cong. na nambu-“bully” sa kanya, boom!
XXX
KAHIT GINIGIBA NG QUAD COMMITTEE SI SEN. BONG GO, SA LAHAT NG SURVEY LAGI SIYANG PASOK SA TOP 12 -- Dahil sa pagiging malapit niya kay ex-P-Duterte ay kabilang si Sen. Bong Go sa “ginigiba” ng QuadComm ng Kamara, pero kahit patuloy siyang inaatake ng mga anti-Duterte politician ay nag-rank 4 pa rin ang senador sa naging resulta ng survey sa social media ng Pinoy History website na isinapubliko nitong nakalipas na Nov. 4, 2024.
Maging sa mga senatorial survey ng SWS, Pulse Asia, OCTA, Publicus, Tangere at iba pang survey firms, laging pasok sa top 12 si Sen. Bong Go, kundi nasa rank 3 siya ay nasa rank 4, 5 at 6.
Dalawa lang ang ibig sabihin niyan, nakikita ng mamamayan na epektibo siyang senador at hindi naniniwala ang sambayanan sa mga paninira kay Sen. Bong Go, period!
XXX
PARANG ‘SIRANG PLAKA’ SI PBBM, PAULIT-ULIT ANG UTOS NA PAGBA-BAN SA MGA POGO -- Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong July 22, 2024 ay ipinag-utos ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang pagba-ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa, at kamakalawa ay ipinag-utos na naman ng presidente ang pagba-ban sa POGO.
Sa mga naging presidente ng ‘Pinas, si PBBM lang ang parang “sirang plaka,” paulit-ulit ang utos, boom!
XXX
NCRPO GEN. HERNIA AT ACG GEN. CARIAGA DAPAT TULUYAN NANG SIBAKIN, HUWAG NANG PABALIKIN SA MGA PUWESTO -- Dahil sa palpak na raid sa isang Business Process Outsourcing (BPO) na pinagsuspetsahang POGO hub at sa isyung extortion ng mga parak, pinatawan ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil ng 10-araw na sibak sa puwesto sina National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, Maj. Gen. Sidney Hernia at Anti-Cybercrime Group (ACG) Director, Maj. Gen. Ronnie Cariaga.
Ang ibig bang sabihin ng 10-araw na sibak at pagkalipas nito ay balik sila sa mga dating puwesto sa NCRPO at ACG? Aba’y mali ‘yan!
Ang dapat gawin ni Gen. Marbil ay huwag nang pabalikin sa kanilang puwesto sina Gen. Hernia at Gen. Cariaga. Dapat tuluyan na silang sibakin sa kanilang mga posisyon sa NCRPO at ACG, period!
Comments