ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 30, 2024
INAKALA NG PUBLIKO NA MAGIGISA NI SEN. RISA SI EX-P-DUTERTE, KABALIGTARAN NANGYARI, ANG SENADORA ANG SINOPLA AT SINERMUNAN NG EX-PRESIDENT -- Sa pagdinig ng Senado sa extrajudicial killings (EJK), buong akala ng publiko ay magigisa nang husto ni Sen. Risa Hontiveros si ex-P-Duterte, pero iba ang nasaksihan ng taumbayan kasi sa kada tanong ng senadora, sinusopla at sinisermunan siya ng ex-president.
Ilan sa halimbawa ay ‘yung tanong ni Sen. Risa sa “reward system” na sinagot ng dating pangulo na bakit daw siya magbibigay ng reward kasi tungkulin daw ng pulis na pumatay kung manlalaban ang aarestuhin. Sa tanong kung iniuutos ng dating presidente sa mga police general na magpapatay ng tao, ang tugon dito ni ex-P-Duterte ay hindi naman daw mga tanga o bobo ang mga heneral na sumunod sa ilegal na utos.
At nang tanungin kung inaamin nito (ex-P-Duterte) ang may full responsibility sa libu-libong namatay sa EJK, ang tugon ng ex-president ay wala raw siyang pakialam kung sa impiyerno mapunta ang mga napapatay na kriminal.
Sa inis ni Sen. Risa, siya ang um-exit sa pagdinig ng Senado sa EJK, he-he-he!
XXX
DAHIL POPULAR NA NAMAN SI EX-P-DUTERTE SA TIRADA NIYA VS. ILLEGAL DRUGS, KAPAG NANGAMPANYA VS. MGA KANDIDATO NI PBBM, BAKA LAHAT NG MANOK NG MARCOS ADMIN SA PAGKA-SENADOR MATALO -- Naging popular na naman si ex-P-Duterte sa ipinakita niyang matinding galit sa mga sangkot sa illegal drugs, na ayon sa kanya kung mabibigyan daw siya ng pagkakataon ay uulitin niya, at gagawin pang doble ang paglipol sa mga may kinalaman sa kalakaran ng droga sa bansa.
Dahil sa sinabing iyan ni ex-P-Duterte sa pagdinig sa Senado, nabuhay uli ang galit ng mamamayan sa mga sangkot sa droga, at napakaraming post at comment sa social media na, “Duterte pa rin.”
Sa totoo lang, dahil popular na naman si ex-P-Duterte sa sinabi niyang pagkamuhi niya sa droga, kapag dumiin ito sa kampanya na huwag iboto ang mga kandidato sa pagka-senador ng Marcos administration ay baka isa man sa mga manok ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay walang manalo sa pagka-senador, baka lahat talo, boom!
XXX
KUNG ASTIG SA QUAD COMMITTEE SI COL. ESPENIDO, LUMAMBOT NAMAN SA SENADO, KASI UMAMIN SIYANG HEARSAY LANG ANG MGA ALEGASYON NIYA KAY SEN. BONG GO -- Kung naging astig si P/Col. Jovie Espenido sa Quad Committee ng Kamara sa pagdidiin kay Sen. Bong Go sa reward system sa EJK, na kesyo ang pera raw na ibinibigay sa mga pulis ay nagmumula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), Small-Town Lottery (STL) at jueteng, ay lumambot ito sa pagdinig sa Senado, kasi nang tanungin siya ng senador kung may personal knowledge siya tungkol sa mga alegasyong ito laban kay Sen. Go, ang tugon niya ay wala raw, at sinabing hearsay lang ang mga ibinida niya sa QuadComm.
Dahil diyan, ang duda ng mga senador ay may nag-utos lang kay Col. Espenido para siraan si Sen. Bong Go kasi nga reelectionist ito for senator, period!
XXX
PAGASA SA PANAHON NG MARCOS ADMIN, SABLAY! -- Noong Linggo, Oct. 27, ay sinabi ng PAGASA na bagama’t nabuo na raw bilang bagyo si “Leon” ay wala naman daw direktang epekto ito sa bansa, pero kamakalawa (Lunes) nagdeklara na ang PAGASA ng Signal 1 sa iba’t ibang rehiyon sa ‘Pinas.
Ganyan kapalpak ang PAGASA sa panahon ng Marcos admin, sasabihin na wala raw epekto ang bagyo, pero meron pala, pwe!
Comments