ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | May 31, 2021
Dear Sister Isabel,
Gusto kong isangguni sa inyo ang problema ko sa kasalukuyan. Dati akong OFW at may nakarelasyon ako roon, gayundin, nagka-anak kami. Nagkasundo kami na ilihim ang lahat ng tungkol sa amin at ganu’n ang nangyari sa loob ng tatlong taon.
Subalit kamakailan lamang ay biglang nagbago ang ihip ng hangin. Binantaan ako ng lihim kong karelasyon na ibubulgar niya na sa mga kaanak ko ang tungkol sa amin kung hindi ko siya bibigyan ng malaking halaga buwan-buwan. Sa totoo lang, maliit lang ang kaya kong isustento sa kanya ng aming anak dahil may legal akong pamilya. May asawa ako at tatlong anak. Ano ang dapat kong gawin?
Sa ngayon ay inuutang ko lang ang halagang gusto niyang ipadala ko sa kanya. Mabuti na lang at hindi pa niya ibinubulgar ang relasyon namin. Sana ay mapayuhan n’yo ako dahil tuliro na ang isip ko at palaging kinakabahan na ilantad niya ang tungkol sa amin.
Gumagalang,
Cerapin ng Bulacan
Sa iyo,Cerapin,
‘Ika nga, walang lihim na hindi nabubunyag, kaya lalabas at lalabas ang katotohanan, gaanuman ito itago, kaya makabubuting ipagtapat mo na sa iyong asawa ang lahat. Sa simula ay mahirap at makabagbag damdamin ang iyong gagawin, subalit natitiyak ko na mauunawaan ka ng asawa mo at tatanggapin ang katotohanan, gaanuman ito kasakit sa damdamin niya. Ihanda mo ang iyong sarili sa gagawing pagtatapat at humingi ka ng tulong sa Diyos. Gayundin, magdasal ka muna nang taimtim bago kausapin ang iyong asawa.
Sa kabilang dako, kausapin mo rin nang mahinahon ang lihim mong karelasyon. Ipaliwanag mo sa kanyang mabuti ang sitwasyon n’yong dalawa. Natitiyak ko na uunawain ka rin niya at tatanggapin nang maluwag sa kalooban ang papel na pinasok niya sa piling mo.
Lahat ng suliranin ay may kalutasan, basta’t idadaan sa mahinahong pamamaraan. Nakatunghay ang tadhana sa bawat isa sa atin. Kapag alam ng Diyos na hindi na natin kaya, Siya rin ang gagawa ng daan para makayanan natin ang mga dalamhati sa buhay. Huwag kang makakalimot tumawag sa Panginoon gaanuman kabigat ang pagsubok. Siya ang daan, katotohanan at nakasalalay sa Kanya ang ating buhay. Siya ang liwanag na tumatanglaw sa bawat pagsubok sa buhay upang ito’y makayanan ng bawat isa sa atin.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Kommentare