top of page
Search
BULGAR

Ex-ofw na nagka-anak sa abroad, gusto nang umamin sa tunay na pamilya

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | September 14, 2022


Dear Sister Isabel,


Nawa ay patuloy kayong gamitin ng Diyos para gumaan ang dinadalang problema ng mga taong sumasangguni sa inyo. Isa ako sa mga gustong humingi ng payo tungkol sa problema ko sa kasalukuyan.


Totoo pala ang kasabihan na walang lihim na hindi nabubunyag. Dati akong OFW, du’n ako nakatagpo ng mamahalin, at naanakan niya ako. Pero dahil hindi ako handang ipaalam sa pamilya ko ang nangyari sa akin, pumayag ako na siya ang mag-alaga sa bata sa kasunduan na kukunin ko rin ang aming anak kapag nagkalakas ako ng loob na sabihin sa pamilya ko ang nangyari sa akin sa abroad.


Nalaman ko rin na may asawa na ang lalaking nakabuntis sa akin. Ayaw kong maging kabit, kaya ipinaubaya ko sa kanya ang pagpapalaki sa bata dahil kung hindi, hindi matitigil ang relasyon namin.


Lumipas ang maraming taon, hinanap ako ng bata at nagkita kami. Kaso, may sarili na akong pamilya ngayon at masayang namumuhay sa piling ng asawa ko at mga anak namin. Mabait naman ang asawa ko at wala siyang alam sa lihim kong ito.


Ano ang dapat kong gawin, ipapakilala ko ba ang anak ko sa tunay kong pamilya at hindi ba ito magiging ugat ng pagbabago ng pagtingin sa akin ng asawa ko, gayundin ang mga anak ko? Gusto kasi ng anak ko na makilala ang mga tunay niyang kapatid.


Nagpapasalamat,

Anabel ng Pampanga


Sa iyo, Anabel,


Makabubuting ipagtapat mo na sa asawa mo ang lihim ng iyong nakaraan. Sa palagay ko ay mauunawaan ka niya dahil ang sabi mo naman ay mabait ang asawa mo, kaya tiyak na mauunawaan niya ang nangyari sa iyo. ‘Ika nga, ang nakaraan ay nakaraan na.


Marahil ay matatanggap niya na may anak ka sa labas at ikatutuwa pa niya na magkakakilala na ang magkakapatid. Kung hindi nila makikilala ang isa’t isa, baka magkagustuhan pa ‘yan dahil sa lukso ng dugo at magaan ang loob nila kung sakaling magtagpo ang kanilang landas sa hindi sinasadyang pagkakataon. Baka isipin nilang inlab sila sa isa’t isa, pero ang totoo ay magkapatid sila.

Huwag ka nang mag-atubili na ipagtapat sa iyong asawa at mga anak ang gumugulo sa isip mo. Mas mahirap kung sa ibang tao pa niya malalaman ang lihim mo. At marahil ay hindi mo alam, may lihim din pala ang asawa mo na iniingatan na bahagi ng kanyang nakaraan. Pagkakataon na niya para sabihin din ito sa iyo.

Lakip nito ang dalangin ko na maging maayos ang pagtatapat mo sa iyong mister. Hingin mo rin ang tulong ng Diyos sa pagbubunyag mong ito. Magdasal ka muna nang taimtim at lumapit sa iyong asawa para kausapin siya.


Sumaiyo nawa ang kapayapaan ng puso at isipan. Gawin mo ang payo ko sa lalong madaling panahon.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page