ni Lolet Abania | August 31, 2020
Itinalaga na ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating National Bureau of Investigation (NBI) Chief Dante Gierran na maging bagong presidente at chief executive officer ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ang kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III ngayong araw. Papalitan ni Gierran si dating PhilHealth Chief at Retired General Ricardo Morales na nagbitiw sa puwesto noong August 26.
Pinagpahinga ni Pangulong Duterte si Morales sa trabaho dahil sa kondisyon ng kalusugan nito na nakikipaglaban sa cancer. Samantala, kareretiro lamang ni Gierran sa posisyon nito sa NBI noong Pebrero matapos na umabot sa mandatory retirement sa edad na 65.
Gayunman, ang pagseserbisyo ni Gierran sa NBI ay hindi nagtapos na walang kontrobersiya, dahil tulad ni Edgar Matobato, isang self-confessed na dating miyembro ng Davao Death Squad, iniuugnay ang opisyal sa pagpatay umano sa isang lalaki noong 2007 sa pamamagitan ng pagpapakain sa mga buwaya.
Subalit, mariin itong itinanggi ni Gierran.
תגובות