ni Lolet Abania | June 30, 2022
Pumanaw na si dating Camarines Sur Representative Rolando “Nonoy” Andaya Jr. ngayong Huwebes ng umaga sa edad na 53, ito ang kinumpirma ng kanyang pamilya.
Ang kanyang mga anak na sina Ranton at Katrina Andaya, ang nag-anunsiyo sa isang social media post na ang dating congressman ay pumanaw na habang humingi rin ang mga ito ng panalangin para sa kanilang ama.
“With deep grief and sadness, we announce the untimely death of our father, former member of the House of Representatives, Rolando ‘Nonoy’ G. Andaya, Jr., this morning, June 30, 2022,” pahayag ng pamilya sa Facebook post.
“We request for your fervent prayers for his eternal repose, and to allow us, his family, to grieve privately our loss,” dagdag nila. Batay sa isang police report, si Andaya ay natagpuang patay sa loob ng kanyang sariling tirahan sa Naga City.
Matagal na naging public servant, si Andaya ay nagsilbi sa House of Representatives noong 11th, 12th, at 13th Congress. Gayunman, ang panunungkulan niya sa 13th Congress ay umigsi matapos na si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay italaga siya bilang Budget Secretary noong 2006.
Muling nahalal si Andaya sa Congress noong 2010 at tumakbo ng magkasunod na 2013 at 2016 elections. Nagsilbi naman siya bilang representative ng 1st District ng Camarines Sur hanggang 2019. Nitong 2022 national at local elections, tumakbo si Andaya para gobernador ng Camarines Sur, subalit tinalo siya ni Luigi Villafuerte.
Comments