ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 30, 2024
SABLAY ANG SINABI NI EX-JUSTICE CARPIO NA PORK BARREL ANG AKAP DAHIL AYON KAY SEC. GATCHALIAN, MGA TRABAHADOR NA MALIIT ANG KITA MAKIKINABANG DITO AT HINDI MGA PULITIKO -- Butata ang inabot ni former Associate Justice Antonio Carpio kay Sec. Rex Gatchalian ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) patungkol sa sinabi ng dating mahistrado na bagong anyo raw ng pork barrel ang Ayuda para sa mga Kapos ang Kita Program (AKAP) kasi ayon sa kalihim ay hindi pork barrel ang AKAP dahil mga taga-DSWD ang mamamahala rito at hindi niya papayagan ang sinumang pulitiko at maging mga barangay official ang pumapel sa programang ito ng pamahalaan.
Sablay talaga si Carpio sa sinabi niyang pork barrel ang AKAP kasi ang pork barrel, ang nakikinabang diyan ay mga pork barrel politicians, eh sa AKAP ng DSWD, malinaw ang sinabi ni Sec. Gatchalian, na ang mga makikinabang diyan ay mga trabahador na maliit ang kinikita sa pagtatrabaho, period!
XXX
DUDA ANG IMF NA MAY MGA ‘BUWAYANG’ MANGDUDUGAS SA PERA NG LBP AT DBP NA INILAGAK SA MIC -- Nanawagan ang International Monetary Fund (IMF) sa Marcos administration na ibalik sa Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) ang bilyun-bilyon pisong kinuha sa dalawang bangkong ito na inilagak bilang pampuhunan sa itinatag na Maharlika Investment Corporation (MIC) ng gobyerno.
Ibig sabihin ng panawagang iyan, kahit ang IMF ay duda na may mga “buwaya”sa Marcos admin ang gagawa ng pandurugas sa mga perang kinuha sa LBP at DBP na nasa MIC na ngayon, boom!
XXX
TAAS NA NGA NG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN, TAPOS TATAASAN PA ANG MONTHLY CONTRIBUTIONS NG MGA SSS MEMBER -- Sa pagpasok ng year 2025 ay sisimulan na ng Social Security System (SSS) ang pagdaragdag ng mataas na butaw na 15% monthly contribution sa mga SSS member.
Hay naku, wala nang inatupag itong Marcos admin kundi buwisitin ang mamamayan kasi mantakin n’yo, ang taas na ng presyo ng mga bilihin at bayarin, tapos magtataas pa ng monthly contribution sa mga SSS member, buset!
XXX
SINO KAYA PAPALARIN SA PANG-12 SLOT SA PAGKA-SENADOR, ATE NG PRESIDENTE, ‘BATA’ NG EX-PRESIDENT, MISTER NG MEGASTAR O ANG ANAK NG MAG-ASAWANG BILLIONAIRE? -- Sa latest senatorial survey ng Social Weather Stations (SWS) ay halos mag-tie sa pang-12 slot o rank number 12 sa pagka-senador sina re-electionist Sen. Imee Marcos, ate ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), re-electionist Sen. Ronald Dela Rosa, “bata” ni ex-P-Duterte, former Sen. Kiko Pangilinan, mister ni Megastar Sharon Cuneta, at Las Pinas City Rep. Camille Villar, anak ng mag-asawang billionaire na sina former Sen. Manny Villar at Sen. Cynthia Villar.
Sino kaya ang papalarin sa panghuling slot sa pagka-senador, ang ate ng presidente, ang “bata” ng ex-president, ang mister ng megastar o ang anak ng mag-asawang billionaire? Abangan!
Comments