ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 29, 2022
Noong Oktubre 24 hanggang 26 ay nasa Paris, France ang inyong lingkod para sa official parliamentary visit. Naimbitahan tayo bilang bahagi ng inter-parliamentary exchanges na bahagi na rin ng pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng ugnayang pandiplomatiko ng Pilipinas at France. Kasama ang mga kapwa natin senador sa pamumuno ng ating Senate President Juan Miguel Zubiri, nakipagpulong kami sa ating French counterparts at tinalakay ang mas matatag na bilateral cooperation sa pagitan ng mga mambabatas ng dalawang bansa.
Sa ginanap na pulong ay napag-usapan ang mga isyu na may kinalaman sa climate change, renewable energy, food security at economic development.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, sinamantala natin ang pagkakataon para personal na pasalamatan ang pamahalaan ng France sa ginawang pagtulong nito sa ating bansa sa pagtugon sa pandemya, lalo na sa donasyon nitong mga bakuna kontra COVID-19. Isa rin ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa napili ng France na pagkalooban ng pondo noong 2020. Ang RITM ang nanguna sa pagsasagawa ng COVID-19 testing noong kasagsagan ng pandemya.
Kaakibat nito, isinusulong natin sa 19th Congress ang pagtatatag sa ating bansa ng Virology Institute of the Philippines para mapag-aralan natin ang paggawa ng sariling mga bakuna sa hinaharap.
Para naman matugunan ang epekto ng climate change, inihayag natin ang hangarin na magkaroon ang Pilipinas ng disaster resilient communities sa pamamagitan ng pagsusulong ng panukalang lilikha sa Department of Disaster Resilience. Layunin nitong mapabilis ang mga mekanismo sa paghahanda kapag may kalamidad at iba pang emergency. Kapag naitatag ang DDR, may sarili itong kalihim na magbibigay ng mas malinaw na direktiba sa iba pang sangay ng pamahalaan kung paano tutugunan ang sitwasyon bago dumating at pagkatapos ng kalamidad.
Nitong nakaraang araw, kinamusta ng ating opisina ang ating mga kababayan sa Abra at karatig na probinsya na tinamaan na naman ng lindol. Handa tayong mag-abot ng tulong sa mga nasalanta sa abot ng ating makakaya. Kailangang-kailangan nila ang ating pagmamalasakit ngayon.
Ang mga ganitong insidente ang dahilan kaya pursigido tayong ipaglaban sa Senado, bukod sa DDR, ang panukalang Mandatory Evacuation Center Act of 2022 na layuning magtayo ng matitibay na evacuation center sa bawat probinsya, lungsod at munisipalidad na pansamantalang tutuluyan ng mga apektadong residente. May maayos na tulugan at palikuran, kumpleto rin sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, gamot at mga damit.
Isa pa ang Rental Housing Subsidy Bill na magkakaloob naman ng rental housing subsidy sa mga nawalan ng tirahan para mayroon silang disenteng matitirahan at gastusin habang hindi pa naitatayong muli ang kanilang bahay o inihahanap pa sila ng relokasyon. Kailangan talaga maisabatas ang mga ito para sa kapakanan ng mga inaabot ng kalamidad, sakuna at trahedya.
At habang papatapos ang taon ay lalong nagiging pursigido ang aking tanggapan sa paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan na ang kabuhayan ay apektado pa rin ng pandemya at iba pang krisis.
Tulad ng dati ay maagap tayo sa pagsaklolo sa mga nasunugan. Inalalayan natin ang 63 pamilya sa Bgy. San Dionisio, Parañaque City; 22 residente ng Mati City, Davao Oriental; mahigit isang daang pamilya sa Pasay City; at ang limang pamilya ng Alabel, Sarangani. Nag-abot din tayo ng suporta para sa 1,146 estudyante mula sa San Simon, Pampanga. Kasabay naman ng groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Naval, Biliran noong Oktubre 25, namahagi rin tayo ng ayuda sa 500 residente roon.
Nakarating pa tayo sa iba’t ibang komunidad at napangiti natin ang 1,000 sa Angeles City, Pampanga; 2,351 benepisyaryo mula sa iba’t ibang bayan ng Lanao del Norte; 1,000 sa Abucay, Bataan; 1,000 sa Ibajay, Aklan; 866 sa Dumaguete City, Negros Oriental; 600 sa City of San Jose del Monte, Bulacan; 230 pa sa Dingalan, Aurora; at 130 pa sa Sta. Cruz, Laguna.
Sa ating layuning mapasigla ang lokal na ekonomiya, tuluy-tuloy din ang pagkakaloob natin ng tulong para buhayin ang maliliit na negosyante. Nag-abot tayo ng dagdag na suporta para sa 667 MSMEs sa Bagulin, Burgos, Pugo, Agoo, Bagulin, Rosario, Sto. Tomas, Aringay, Santol, Caba at Balaoan sa La Union; at 250 sa Infanta, Quezon.
Ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayan ang palagi nating inaalala saanman tayo naroroon. Magkaisa tayo at patuloy na magbayanihan, at manalanging malampasan natin ang lahat ng pagsubok na ating kinahaharap. Makipag-ugnayan tayo upang mas mapalakas at gawing mas matatag ang ating bansa upang mabigyan ng mas komportableng buhay ang bawat Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
コメント