top of page
Search
BULGAR

Evacuation center, itatayo sa bawat lungsod at munisipalidad

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Dec. 12, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Batas na sa wakas ang matagal na nating panukalang magkaroon ng totoong evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. 


Umaasa ang inyong lingkod na sa pamamagitan ng batas na ito, darating ang araw na hindi na tayo gagamit ng mga classroom bilang evacuation center sa panahon ng sakuna. Kung babalikan natin ang ating mga karanasan, madalas ginagamit ang mga classroom at ibang mga pasilidad sa paaralan sa panahon ng mga kalamidad. Taliwas ito sa Children’s Emergency Relief and Protection Act (Republic Act No. 10821), kung saan nakasaad na maaari lamang gamiting evacuation center ang mga paaralan kung wala nang ibang espasyong maaaring magamit. Ngunit dahil madalas ginagamit pa rin ang mga paaralan bilang evacuation center, naaantala ang ligtas na pagbabalik-paaralan at pagpapatuloy ng edukasyon ng ating mga mag-aaral.


Kasunod ng pagkakahalal sa atin bilang senador noong 2016, inihain natin sa unang pagkakataon noong 17th Congress ang panukalang magpatayo ng evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad. Muli nating inihain ito noong 2019 sa ilalim ng 18th Congress. Ngayong 19th Congress, ganap nang batas ang Ligtas Pinoy Centers Act (Republic Act No. 12076). 


Nakasaad sa naturang batas na dapat itayo ang mga evacuation center sa mga strategic at ligtas na lokasyon sa komunidad. Magsisilbing agaran at pansamantalang silungan ang mga evacuation center para sa mga naapektuhan ng mga kalamidad at sakuna kagaya ng mga bagyo, baha, lindol, pagsabog ng bulkan, sunog, outbreak ng mga sakit, at iba pa. Nakasaad din sa naturang batas na dapat kayanin ng mga evacuation center ang mga hanging may bilis na hindi bababa sa 300 kilometers per hour at lindol na hindi bababa sa 8.0 magnitude. 


Nakasaad sa batas kung anu-anong mga pasilidad ang kinakailangang mayroon sa bawat evacuation center. Kabilang dito ang mga health care areas kagaya ng isolation area para sa mga may sakit, klinika, mental wellness space, at counseling room.


Tinitiyak din ng batas na magkakaroon ng mga ligtas na espasyo para sa kababaihan at mga bata. Mahalaga ang mga pasilidad na ito, lalo na’t mas nahaharap sa panganib ang mga kabataan at mga kababaihan sa panahon ng mga sakuna.


Sa pamamagitan din ng Ligtas Pinoy Centers Act, mapapaigting natin ang kakayahan ng mga local government units na itaguyod ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa panahon ng kalamidad.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page