top of page
Search
BULGAR

Estudyante sa ALS at learners with disabilities, tuloy ang pag-aaral

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Jan. 9, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Para sa ating mga mag-aaral sa Alternative Learning System (ALS) at mga learners with disabilities, magpapatuloy ang pagkakaroon nila ng pag-asa ngayong 2025. 


Sa nilagdaang General Appropriations Act, tiniyak nating may inilaang pondo para sa ating mga mag-aaral sa ALS at mga learners with disabilities para sa pagpapatuloy ng kanilang edukasyon.


Sa ilalim ng national budget natin ngayong taon, P634.083 milyon ang inilaan sa Flexible Learning Options upang suportahan ang pagpapatupad ng mga programa ng ALS. Saklaw ng naturang alokasyon ang ALS learning resources, pati na rin ang transportation at teaching allowance ng mga ALS teacher at Community ALS Implementers na katuwang ng Department of Education (DepEd). Mas mataas ito sa P623.5 milyong pondo na una nating ipinanukala para sa ALS.


Mahalaga ang paglalaan ng pondo sa ALS dahil nagbibigay ito ng pangalawang pagkakataon para sa ating mga out-of-school children in special cases at mga nakatatandang mag-aaral na hindi nakapagtapos, kabilang ang mga indigenous people. 


Naglaan naman ng P100 milyon sa ilalim ng Textbooks and Other Instructional Materials para sa mga mag-aaral na may kapansanan na naka-enroll sa pormal na sistema at sa ALS. Saklaw ng pondong ito ang iba’t ibang mga platapormang ginagamit sa pagtuturo kagaya ng electronic at online modes. Sakop din ng naturang pondo ang mga personal safety lessons para sa mga mag-aaral na may kapansanan.


Ang paglalaan ng pondo para sa mga learning resources ng mga mag-aaral na may kapansanan ay alinsunod sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11650 o ang ‘Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act,’ isang batas na isinulong din ng inyong lingkod kagaya ng Alternative Learning System Act.


Pinagtitibay ng naturang batas ang policy of inclusion sa lahat ng mga pribado at pampublikong paaralan sa bansa. Dito, may mandato ang lahat ng mga eskwelahan na tiyaking bawat mag-aaral na may kapansanan ay hindi mapagkakaitan ng dekalidad na edukasyon dahil lang sa kanilang kondisyon.


Para sa mga mag-aaral sa ALS at mga learners with disabilities, mahalaga ang mga programang nagtataguyod ng kanilang kapakanan at nagbibigay ng oportunidad para sa abot-kaya at dekalidad na edukasyon, kung saan siniguro natin na may sapat na pondong nakalaan sa pagpapatupad ng mga programang ito.


Kaya naman sa ating mga mag-aaral sa ALS at mga learners with disabilities, kasama ang kanilang mga magulang, magpatuloy sana ang inyong pagsisikap upang ipagpatuloy din ang inyong pag-aaral. Ang inyong lingkod ay nananatili ninyong katuwang para makamit ninyo ang inyong mga pangarap.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page