ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Pebrero 18, 2024
May mga kababayan tayo na hindi maisakatuparan nang maayos ang paghati sa mga mana na iniwan sa kanila ng kanilang mga mahal sa buhay nang dahil sa halaga ng estate tax na kanilang babayaran. Kaya naman ang ating Kongreso ay nagpasa ng batas kung saan kanilang binibigyan pang muli ng amnestiya ang mga kwalipikadong hindi pa nakapagbayad ng estate tax para sa kanilang mga minanang ari-arian.
Bago natin pagnilayan ang nabanggit na ipinagkaloob na tax amnesty ay atin munang alamin kung ano ang ibig sabihin ng estate tax.
Ang estate tax ay iyong uri ng buwis na binabayaran para sa mga ari-arian ng isang tao na kanyang ipinamana sa kanyang mga kaanak.
Ito ay binabayaran ng mga tagapagmana pagkamatay ng mahal nila sa buhay na nagpamana sa kanila. Ang estate tax ay nakapaloob sa probisyon ng Republic Act (R.A.) No. 8424 o mas kilala sa titulong Tax Reform Act of 1997. Sa ilalim ng batas na nabanggit, ang halaga ng bayarin para sa estate tax ay nasa pagitan ng 5% hanggang 20% base sa halaga ng net estate. Ibig sabihin ng net estate ay iyong halaga ng ari-ariang ipinamana matapos makaltas ang mga pagkakautang o obligasyon ng naiwang estate ng namatay na kaanak. Kaya kapag mas mataas ang halaga ng estate ay mas mataas din ang estate tax.
Noong naisabatas ang Republic Act No. 10963 o mas kilala sa tawag na TRAIN Law, ang estate tax ay ginawang flat rate na 6%. Ito ay kapag ang halaga ng net estate ay mas mataas sa P200,000.00. Kapag ang halaga ng net estate ay P200,000.00 o mas mababa, matatanggap ng mga tagapagmana ng nasabing estate nang buo at hindi ito mababawasan ng buwis.
Para naman sa mga mayroong kailangang bayaran na buwis subalit hindi pa nakapagbayad, nagbigay ang estado ng tax amnesty sa pamamagitan ng pagpapasa ng R.A. No. 11213, na inamyendahan ng R.A. No. 11956, kung saan nakasaad na:
Section 4. Coverage. - There is hereby authorized and granted a tax amnesty, hereinafter called Estate Tax Amnesty, which shall cover the estate of decedents who died on or before May 31, 2022, with or without assessments duly issued therefor, whose estate taxes have remained unpaid or have accrued as of May 31, 2022: Provided, however, that the Estate Tax Amnesty hereby authorized and granted shall not cover instances enumerated under Section 9 hereof.
Malinaw sa nasabing batas na ang tax amnesty na iginawad ay sumasakop sa lahat ng ari-arian ng namatay, na sumakabilang buhay na o bago ang Mayo 31, 2022, maliban na lamang sa mga estate tax cases na naging pinal na at kung ang ari-arian ay isang usapin sa isang kaso na nakabinbin sa korte katulad ng mga sumusunod:
“Section 9. Exceptions. -- The Estate Tax Amnesty under Title II of this Act shall not extend to estate tax cases which shall have become final and executory and to properties involved in cases pending in appropriate courts:
(a) Falling under the jurisdiction of the Presidential Commission on Good Government;
(b) Involving unexplained or unlawfully acquired wealth under Republic Act No. 3019, otherwise known as the Anti-Graft and Corrupt Practices Act, and Republic Act No. 7080 or An Act Defining and Penalizing the Crime of Plunder;
(c) Involving violations of Republic Act No. 9160, otherwise known as the Anti-Money Laundering Act, as amended;
(d) Involving tax evasion and other criminal offenses under Chapter II of Title X of the National Internal Revenue Code of 1997, as amended; and
(e) Involving felonies of frauds, illegal exactions and transactions, and malversation of public funds and property under Chapters III and IV of Title VII of the Revised Penal Code.
Kailangan ding tandaan na may panahon lamang na ibinibigay ang batas para makakuha ng tax amnesty, kaya naman mainam na asikasuhin agad ito ng mga nais makinabang dito. Ayon sa batas:
“Section 6. Availment of the Estate Tax Amnesty; When and Where to File and Pay. - The executor or administrator of the estate, or is there is no executor or administrator appointed, the legal heirs, transferees or beneficiaries, who wish to avail of the Estate Tax Amnesty shall, within June 15, 2023 until June 14, 2025, file, either electronically or manually, with any authorized agent bank, Revenue District Office through Revenue Collection Officer, or authorized tax software provider, a sworn Estate Tax Amnesty Return, in such forms as may be prescribed in
the Implementing Rules and Regulations.
xxx”
Comments