top of page
Search
BULGAR

Estafa sa mga namemeke ng COVID test result, dapat lang!

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 30, 2021


Sa kabila ng mga babala at paalala, patuloy na nakatatanggap ng reklamo ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa mga insidente ng pamemeke ng COVID-19 test result.


Ayon sa PNP, nakakukuha umano ng pekeng ng COVID-19 test result ang ilang indibidwal dahil may mga koneksiyon sa ospital, at nadiskubre rin ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na mismong mga ospital at clinic pa ang nagbibigay ng mga papeles o impormasyon para sa pekeng test result.


Dahil dito, nagbabala ang PNP na puwedeng kasuhan ng estafa ang mga mahuhuling gumagawa nito, lalo na kung may nangyaring bayaran kapalit ng pekeng resulta.


Sa ngayon, naglalaro pa rin umano sa libo ang presyo ng pagpapa-swab test na kinakailangan partikular na sa mga babiyahe sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Samantala, hinimok din ng PNP ang mga kumpanya na maging mabusisi sa isusumiteng RT-PCR test ng kanilang mga empleyado na magbabalik-trabaho.


Ilang beses nang may naiulat na nameke ng COVID-19 test result, at hanggang ngayon, hindi pa rin pala tapos ang isyung ito.


Nakadidismaya dahil para bang wala tayong kadala-dala. Kung ‘yung iba ay no choice dahil requirement sa pagbabalik-trabaho, ‘yung iba ay pasaway lang talaga. ‘Yung tipong kaya nilang gumawa ng ilegal para lang maipilit ang kanilang lakwatsa o kung anu-ano pa. Tsk!


Gayunman, wala rin naman kasing gagamit ng pekeng resulta kung walang namemeke. Kaya dapat ding sisihin dito ang mga gumagawa ng pekeng dokumento.


Dapat lang na makasuhan kayo at managot dahil hindi biro ang ginagawa n’yo. Buhay at kaligtasan ang nakataya rito kaya utang na loob, makonsensiya kayo.


Siyempre, ang taumbayan ay may kailangan ding gawin. Bagama’t mahal talagang magpa-swab test ngayon, kailangan talaga.


Tandaan natin na kaya may ganitong hakbang o requirement ay upang matiyak na hindi kayo nahawa o wala kayong bitbit na virus.


Sa gitna ng pandemya, napakahalagang maging tapat at responsable para sa ikabubuti ng nakararami.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page