ni GA - @Sports | May 14, 2022
Buong-pusong ibinuhos ni Davaoeño Jackielou 'Jack' Escarpe ang kanyang lakas at determinasyon upang maibigay sa Pilipinas ang ikalawang gintong medalya mula sa Kurash event kahapon sa pagtatapos ng naturang event sa 31st Southeast Asian Games sa Hoai Duc Gymnasium sa Hanoi, Vietnam.
Patuloy na nanindigan ang dating national judo athlete mula University of Mindanao para kunin ang gold medal sa men’s 73kgs category nang talunin si Apicha Boonrangsee ng Thailand sa bisa ng 1-0 at maibigay ang nag-iisang ginto para sa national Kurash team. Nakuha nina Mohamad Razlan Rozaidi ng Malaysia at Soe Myint Tun ng Myanmar ang parehong bronze medals.
Hindi nagpatinag ang tubong Generoso, Davao Oriental sa unang laban pa lamang ng silatin ang ang defending champion na si Ngoc Son Vu ng Vietnam sa preliminary round at sinunod na pinatumba si Soe Myint Tun ng Myanmar.
Nahigitan ni Escarpe ang bronze medal performance sa men’s judo team event noong 2019 SEAG sa 'Pinas. Hindi pinalad si Estie Gay Liwanen na muling magkampeon matapos makuntento sa bronze medal sa women’s 57kgs, habang kinubra ni Bianca Estrella ang isa pang bronze medal sa women’s 70kgs category.
Napagwagian ni Liwanen ang titulo sa women’s 63kgs noong nagdaang tatlong taon, ngunit tinanggal ang kategorya ng host country, habang bumagsak sa third place si Estrella na dating runner-up ng naturang weight category.
Wagi ng gold sa women’s 70kgs si Thi Thanh Trm Nguyen, habang silver si Phyo Swe Zin Kyaw ng Myanmar. Nauna nang nagsipagwagi ng 3 silvers mula kina Charmea Quelino (women’s 52kgs), Helen Aclopen (women’s 48kgs) at Sydney Sy Tancontian (women’s +87kgs), habang may na bronze mula kina playing coach Al Llamas (60kgs), Renzo Cazenas (81kgs) at George Baclagan (90kgs).
Sa kabuuan ay may 1 gold, 3 silver at 5 bronze medals ang Kurash Sports Federation of the Philippines na hinigitan ang 1 silver noong 2019.
Comments