ni Janiz Navida @Showbiz Special | September 23, 2023

Emosyonal pa rin ang Pop Ballad Royalty at Prince of Pop na si Erik Santos nang mapag-usapan sa mediacon ng partnership niya with Anchor of Hope & Strength ang pagpanaw ng kanyang mga magulang na parehong dahil sa cancer.
Ang Anchor of Hope & Strength ay isang non-profit organization na itinatag ni Dr. Charity Viado-Gorospe nu'ng 2016 at ang advocacy nito ay sumuporta sa mga cancer patients.
Isa ang nanay ni Erik sa mga naging pasyente ni Doc Charity. Kaya ganu'n na lang ang pasasalamat ng singer na hindi naningil ang mabait at matulunging oncologist ng professional fee nito sa ilang buwang naging pasyente nito ang ina ng singer sa St. Luke's Hospital.
Kaya naman ngayong pumanaw na ang parehong magulang ni Erik, na-realize raw niya ang bagong purpose niya sa buhay at 'yun ay "to give back" naman dahil sa dami raw ng blessings na ibinigay sa kanya ni Lord sa kanyang 20 yrs. in the music industry at the fact na healthy siya ngayon at walang iniindang sakit.
So, sa kanyang gaganaping 20th anniversary concert titled milEStone on Oct. 6, 2023 sa SM Mall of Asia Arena, nangako si Erik na part of the proceeds at maging ang kanyang talent fee ay ido-donate niya sa Anchor of Hope & Strength Foundation bilang pasasalamat sa mga naitulong sa kanilang pamilya at pagbabalik na nga rin niya ng kagandahang-loob sa mga cancer patients na sinusuportahan ng organisasyon.
Super-sulit naman ang mga manonood sa milEStone concert ni Erik dahil bukod sa kanya, ang lalaki rin ng mga special guests niya tulad nina Angeline Quinto, Darren Espanto, Sheryn Regis at isa pang malaking celeb na surprise guest.
Sa ngayon, aminado si Erik na nagre-recover pa siya sa pagkamatay ng kanyang mga magulang.
Kaya naman nang makumusta ang kanyang love life, aniya ay hindi pa siya handang makipagrelasyon ngayon, pero hoping daw siya na dumating na rin ang 'the one' para sa kanya.
"Siyempre po naman, hindi rin magandang mag-isa sa buhay. So, hopefully, I'm really praying, in the near, near, near future na magkaroon na rin po ako ng sarili kong pamilya," aniya.
When asked kung ano ba'ng mga qualities ang hinahanap niya sa isang babae, natawa kami sa sagot ni Erik, "Siyempre, maganda. Kasi gusto mo namang gumising nang every morning na maganda 'yung nakikita mo, 'di ba?"
Dagdag nito, "To be honest, siyempre, 'yung mauunawaan ang trabaho ko at makakasundo ko at makakasundo ng personalidad ko. Makakapag-adjust ako at the same time, makakapag-adjust siya sa akin."
Hindi raw importante kung taga-showbiz o hindi.
"Kahit sino. Magiging choosy pa ba ako? Basta maganda," pag-uulit niya.
So, dapat beauty queen?
"Ahhh, puwede rin! Kailangang maganda at maganda ang kalooban," pagtatapos niya.
Samantala, bilib kami sa pagiging mabuting anak ni Erik Santos habang ikinukuwento niya ang mga sakripisyo at pag-aalagang ginawa niya sa mga magulang nu'ng dumadaan sa matinding sakit.
No wonder, patuloy na pinagpapala si Erik at sa kabila ng marami nang nagsulputang baguhang singers na mas bata at mas magagaling, hindi pa rin nawawalan ng puwang sa industriya ang isang Erik Santos.
L.A SANTOS, REBELASYON SA MOVIE NINA MARICEL AT RODERICK

Matindi ang suntok sa dibdib ng mga eksena nina Diamond Star Maricel Soriano at Roderick Paulate a.k.a. Kuya Dick sa pelikulang In His Mother's Eyes na mula sa K7 Entertainment at direksiyon ni Direk FM Reyes.
Napanood namin ang ilang video clips at trailer ng movie at sa totoo lang, sa trailer pa lang, tumulo na ang mga luha namin lalo na't nakipagsabayan sa galing nina Marya at Kuya Dick ang gumaganap na anak ni Maricel sa movie na si LA Santos.
Malaking rebelasyon talaga sa amin si LA sa naturang movie dahil kung dati, nakilala lang namin siya bilang singer, kayang-kaya pala niyang maging magaling na aktor despite the fact na may ADHD siya at open book naman 'yan sa showbiz.
Kaya ramdam namin ang sobrang kaligayahan ng kanyang Mommy Flor habang proud na proud na ikinukuwento sa press ang mga naging working experiences ni LA with Marya at Kuya Dick.
Todo-pasalamat din si Mommy Flor sa pagiging understanding and supportive nina Maricel at Roderick at ng ibang cast na kahit nu'ng una ay nahihirapan si LA na makuha ang ilang eksena, hindi naubos ang pasensiya ng mga ito at inintindi si LA.
Ang ending, sabi nga ni Mommy Flor, parang mas mag-nanay pa sina Maricel at LA at nagkaroon ng bagong anak ang Diamond Star sa katauhan ng gumaganap ding anak niya sa In His Mother's Eyes.
Ang ganda ng istorya ng movie at tiyak na makaka-relate ang mga magulang na kinailangang iwan ang kanilang anak para magtrabaho abroad.
Swak talaga ang pampamilyang pelikula na 'to kaya sana ay makapasok bilang isa sa mga entries sa Metro Manila Film Festival 2023 sa Dec. 25.
Aba, 'pag nagkataon, ang saya-saya ng MMFF lalo kung pare-parehong papasok at maglalaban-laban sina Superstar Nora Aunor (Pieta movie), Star for All Seasons Vilma Santos-Recto (When I Met You in Tokyo), Megastar Sharon Cuneta (A Mother and Son's Story) at Diamond Star Maricel Soriano (In His Mother's Eyes).
First time yata 'yang mangyayari sa MMFF kaya let's keep our fingers crossed.
Comments