top of page
Search
BULGAR

Epipaniya, Pista ng Pagpapakita ng Diyos

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 5, 2025



Fr. Robert Reyes

Pista ng Epipaniya bukas, Enero 6, 2025. Bumibilang ng 12 araw pagkatapos ng Pasko (Disyembre 25) para ipagdiwang ang araw na ito. 


Bakit 12 araw makalipas ang Pasko? Nang ipanganak si Hesus, nakita ng tatlong pantas ang tala at sinundan ito. Naglakbay sila ng 12 araw bago nila natagpuan si Hesus. At sa dulo ng mahaba’t mahirap na paglalakbay, namalas ng kanilang mga mata ang sanggol na tagapagligtas ng lahat.


May kani-kanyang dalang regalo kay Hesus ang tatlong pantas. Mayroong ginto na simbolo ng paghahari sa mundo, kamangyan (insenso) na simbolo ng Diyos, at mira (langis pang-embalsamo) na simbolo ng kamatayan. Tunay ngang hari si Hesu-Kristo hindi lang ng mundo kundi ng sanlibutan at ng sangnilikha. Tunay ding Diyos si Kristo at nakatakda siyang maghirap at mamatay para sa katubusan ng lahat. Kung araw ng pagtanggap ng regalo ang Pasko, araw naman ng paghahandog natin ng regalo sa Panginoong Hesu-Kristo ang araw ng Epipaniya.


Sa pista ng Epipaniya, mahalagang magdasal at magnilay tayo upang sagutin ang tanong, “Ano kaya ang nararapat na iregalo ng bawat isa sa ating Panginoon?

Nagbigay na ng hudyat si Papa Francisco ng kanyang binuksan ang Banal na Pintuan sa Basilica ng San Pietro upang simulan ang Jubileo ng Pag-asa, o ang Taon ng Pag-Asa. Sa mundong magulo, marahas at labis na nagtuturo ng pagmamahal sa sarili sa halip na sa kapwa na nangangailangan, lubhang napapanahon ang pagbibigay ng regalo ng pag-asa.


Ayon kay Papa Francisco dalawa ang kalaban ng pag-Asa. Una, kalaban ng pag-asa ang pesimismo (pessimism) o ang negatibong pananaw sa buhay. Anuman ang gawin ninuman ay walang ibubungang maganda. Ito ang madalas na bukang-bibig ng mga nasasakyan nating drayber ng taxi, grab at tricycle, “Tungkol sa taong 2025, wala naman talagang bago. Pare-pareho lang ang mga namumuno sa atin. Lahat sila ay hindi iniisip ang mamamayan. Pansariling interes, pansariling kapakanan lang ang nangingibabaw sa anumang sabihin o gawin ng mga nasa itaas. Wala namang nangyayari sa lahat ng eleksyon. Pare-pareho ang nananalo at ang tumatakbo. Pare-pareho silang lahat. Ito ang dahilan kung bakit hindi na ako bumoboto.” Malinaw ang pagka-nega ng ganitong pananaw. Subalit, hindi natin masisisi ang karaniwang mamamayan na pinaasa nang pinaasa ngunit lagi namang binibigo.


Tuluyan nang nalason at nagsara ang isipan, puso, kamalayan at damdamin ng marami, at iisa lang ang maaaring gawin, kailangang makipag-usap at magpaliwanag sa bawat mamamayan na hindi totoong wala nang pag-asa. Maaaring piliin ang positibong pananaw at ugali sa halip na magpadala sa negatibo at kawalang pag-asa at saloobin.


Maraming sumuko na hindi man lang nagtangkang kumilos at tulungang lumaya ang sinuman sa negatibo’t walang pag-asang pananaw. Ito ang pangalawang kalaban ng pag-asa, ang pagsuko at ang pagtaas ng dalawang kamay, pagkibit-balikat na iisa ang sinasabi, “Pag-aaksaya ng panahon, lakas at pera ang pakikisangkot. Huwag na lang at hindi ka mapapagod at madidismaya.” Kaya iisa lang ang dapat gawin para salagin ang ganitong pananaw. Kailangan ang positibo at sama-samang pagkilos! Kung merong itim na pagkakampihan o kampihan ng mga sakim at masasama, meron namang pagkakaisa ng mabubuti na nagmamahal sa kapwa at bansa.


Sinasabi ng marami na napagod at nagsawa na sa paglaban sa kasamaan, tulad ng bulok at korup na pamumuno. Sa totoo lang, hindi dapat mapagod at umayaw ang sinumang naniniwala at naglilingkod sa Diyos. Tunay na nakakapagod ang gumawa ng mabuti at lumaban sa kasamaan, mapanganib din ito. Ngunit, malinaw at mabisa ang halimbawa ni Kristo, ang Anak ng Diyos, ang sanggol na hinanap ng tatlong pantas na nangahas maglakbay na sumusunod lamang sa isang tala.


Ito ang tatlong magagawa, tatlong maiaalay natin bilang regalong nagbibigay pag-asa. Makipag-usap at sikaping muling gisingin ang kamalayan. Muling magtulungan at magkaisa, bumuo ng mga grupong kikilos para sa kabutihan ng iba, ng mga maliliit at mahihirap, ang mga inaapi at pinagsasamantalahan. Huwag kalilimutang kumilos din para kay Inang Kalikasan (10 taon nang anibersaryo ng Laudato Si ni Papa Francisco sa Hunyo). At pangatlo, sama-samang maglakbay, magsakripisyo at hanapin ang “Sanggol ng Pag-Asa,” ang Panginoong magliligtas sa lahat.


Sa ganitong paraan, matutulungan natin ang Diyos na muling makita siya, ang prinsipe ng kapayapaan, katarungan, kalayaan… ang Prinsipe ng Pag-asa. Amen!


Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page