ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 9, 2023
Marami ang nalulungkot, ngunit marami rin ang natutuwa kung tuluyan nang mawawala sa ating paningin ang tradisyunal na pampasaherong jeepney dahil bukod sa nakasanayan na ito ng ating mga kababayan ay bahagi na ito ng ating kasaysayan.
Parang ang hirap ma-imagine na isang araw ay tuluyan nang mawawala sa mga kalye ng Kamaynilaan ang mga pampasaherong jeep na dating kilala sa iba’t ibang kulay at eksaheradong disenyo na sikat na sikat sa ating mga kababayan.
Ngunit bahagi ng pagbabago ay unti-unti nang nawawala ang ating mga nakasanayan tulad ng kalesa na malaking bahagi rin ng ating kultura, ngunit unti-unting naglaho dahil kinain ng pagbabago tungo sa ikauunlad ng ating bansa.
Bagama’t may mangilan-ngilan pa ring kalesa sa ilang bahagi ng Maynila, nagsisilbi na lamang itong tourist attraction at ang iba ay ginagamit na lamang itong kasiyahan habang naglilibot sa Luneta at Chinatown, ngunit hindi na bilang pangunahing transportasyon.
Mahabang panahon na rin ang nagdaan na palaging pinagtatalunan kung aalisin na ba ang tradisyunal na jeep o dapat silang manatili hanggang sa kasalukuyan dahil kailangan pa sila ng taumbayan o mas kailangan ng mga tsuper na manatili para may hanapbuhay.
Pero tila bombang sumabog ang isinagawang anunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa panig ng mga tsuper at operator na tuluyan na umanong aalisin ang mga tradisyunal na jeep dahil papasok na ang modernized jeepney.
Kinabukasan, sa ikaapat na pagkakataon ay muling binawi ng LTFRB ang kanilang anunsyo dahil hindi na muna umano igigiit ang modernization matapos ang pinal na deliberasyon kaugnay sa planong phaseout na dapat ay noong 2017 pa ipinatupad.
Malakas ang loob ng LTFRB sa ginawa nilang anunsyo ng phaseout, pero hindi naman kaya ng kanilang dibdib ang argumento ng mga tsuper at operator na dadami ang mga magugutom na Pinoy kung sisimulan na ang pagpapatupad ng modernization sa jeepney.
Nabatid na nasa 60 porsyento pa lamang sa targeted units ng jeepney ang sumailalim na sa modernization program habang 40 porsyento ay hindi pa nasisimulan dahil tila wala namang plano ang mga tsuper at operator ng mga ito.
Kaya naobliga na naman ang LTFRB na maglabas ng anunsyo na hanggang Marso na lamang ang mga pampasaherong jeep sa mga lalawigan, samantalang hanggang Abril naman ang mga namamasadang jeep sa National Capital Region (NCR).
Dahil sa bagong anunsyo ng LTFRB ay naungkat na naman ang argumento kung dapat pa bang manatili ang tradisyunal na jeep o hindi at nabuhay na naman ang mga isyu ng magkabilang panig.
Sa panig ng mga pasahero ay marami ang umaayon na sa modernong jeepney dahil bukod sa naka-aircon ay maayos pa ang mga upuan at hindi umano tulad ng ordinaryong jeep na nababasa ang mga pasahero kapag malakas ang ulan dahil umaasa lamang sa trapal.
May nagsasabing dapat nang alisin ang mga tradisyunal na jeep dahil hand signal ang gamit nila sa pagliko, hirap na nakayuko pang pumapasok ang pasahero at dahilan pa nang pagbagal ng daloy ng trapiko dahil iniiwasan silang makabanggan ng ibang motorista dahil karamihan sa mga jeep ay gawa sa galbanisadong yero at agrabyado ang mga sasakyang kailangan pang magpapintura.
Wala ring seatbelt, wala pang hand break at ngayon ay nauuso pa sa jeepney ang mas malaki ang gulong sa hulihan kaya nakatuwad ang porma nito, na ang layunin lang naman kaya nakaangat ang likurang bahagi ay para magsiksikan papasok ang mga pasahero kapag biglang tinapakan ang preno.
Sa tradisyunal na jeep, kapag sinabi ng tsuper na sampu ang kasya, walang magagawa ang mga pasahero kundi sumunod kahit hindi na makaupo nang maayos ang hirap na hirap na pasahero, kaya marami na rin sa ating mga kababayan ay payag nang mawala ang jeepney.
Sana ay nakita ng LTFRB ang epekto ng ginawa nilang anunsyo, para hindi na nila ulitin kung hindi naman sila sigurado.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Opmerkingen