ni Melba R. Llanera - @Insider | November 18, 2021
"Anxiety-ridden year" kung ilarawan ni Congw. Vilma Santos-Recto ang taong 2020 at ngayong taon kung saan aminado ang Star for All Seasons na nakaranas siya ng lungkot at sobrang anxiety dahil sa pandemya na dulot ng COVID-19 virus.
Nakapanayam ng Cinema News si Ate Vi at ayon sa actress-politician, minsan, sa umaga pa lang ay negatibo na siya kung saan naiisip niya agad kung sino ang mga mamamatay o kung ano ang mga masamang nangyayari.
Nakatulong nang malaki kay Ate Vi ang mahigit na isang buwang pamamalagi ng mag-asawang Luis Manzano at Jessy Mendiola sa kanilang bahay dahil ang dalawa ang nagpakilala sa kanya sa mundo ng vlogging at YouTube, kung saan mayroon na siyang sariling channel sa ngayon.
Sobrang ine-enjoy ng Star for All Seasons ang pagba-vlog dahil nagkakaroon siya ng interaksiyon sa ibang tao lalo na sa kanyang mga tagahanga.
Samantala, paliwanag ni Ate Vi kung bakit nagdesisyon siyang 'di na tumakbo sa darating na eleksiyon at magpahinga muna sa pulitika pagkatapos ng halos 23 taong paglilingkod bilang public servant, hindi niya kaya ang sistema ngayon sa kampanya at eleksiyon dahil hindi siyempre maiiwasang lapitan siya, halikan at yakapin ng kanyang mga fans.
Ngayong magpapahinga na sa pulitika si Ate Vi, may pagkakataon na siyang harapin muli ang pag-arte o pagdidirek, na matagal na palang balak gawin ng aktres.
Role ng isang Muslim na ina ang papel na gustong gampanan ni Ate Vi kung may mag-aalok sa kanya ng isang pelikula.
Isa namang pelikula na mangyayari lamang sa loob ng 24 oras ang gustong idirek ng Star for All Seasons.
Samantala, 'di rin itinago ng aktres ang excitement na gusto na niyang magkaapo kina Luis at Jessy pero sa kabila nito ay ayaw niyang i-pressure ang panganay na anak at manugang.
Isang mabait, cool at mapagmahal naman na lola ang nakikita ni Ate Vi sa sarili niya kapag nangyari na nga 'yun.
Comments