top of page

Good news sa mga magsasaka, mangingisda at self-employed na miyembro ng SSS!

  • BULGAR
  • Sep 24, 2022
  • 2 min read

ni Fely Ng - @Bulgarific | September 24, 2022



Hello, Bulgarians! Hinihikayat ng Social Security System (SSS) ang lahat ng mga magsasaka, mangingisda at iba pang self-employed na nasa impormal na ekonomiya na magparehistro sa SSS at magbayad ng kanilang mga kontribusyon sa ilalim ng bago at mas flexible na iskedyul. Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Michael G. Regino na ang bagong scheme ng pagbabayad ng kontribusyon ay magpapahintulot sa mga nabanggit na miyembro na magbayad ng mga kontribusyon para sa alinman sa huling 12-buwan sa kasalukuyang buwan.


Sinabi ni Regino na kung magbabayad ang magsasaka ng kanyang SSS kontribusyon sa Oktubre 28, 2022, sa ilalim ng bagong programa, maaari pa rin niyang bayaran ang kanyang buwanang kontribusyon sa nakalipas na 12 buwan bago ang Oktubre 2022 o mula Oktubre 2021 hanggang Setyembre 2022.


Ipinaliwanag niya na nagtakda ang SSS ng bagong contribution payment scheme na naaayon sa panahon ng pag-aani ng mga magsasaka at mangingisda. Batay sa pag-aaral ng SSS, ang mga magsasaka at mangingisda ay karaniwang may dalawang panahon ng pag-aani sa isang taon at mga apat hanggang limang buwang salat.


Dagdag pa niya na ang mga self-employed na miyembro ng SSS ay may karapatan sa mga benepisyo sa social security, tulad ng sickness, maternity, retirement, disability, funeral at death. Kuwalipikado rin sila para sa mga loan programs, kabilang ang salary, calamity at educational assistance. Bukod sa SSS coverage, sinabi ng SSS chief na ang mga self-employed member ay mayroon ding karagdagang coverage mula sa Employees’ Compensation (EC) Program para sa mga contingencies na may kinalaman sa trabaho.


Sinabi ni Regino, na maaari nilang bayaran ang kanilang mga kontribusyon sa SSS sa pamamagitan ng mga digital payment platform tulad ng SSS Mobile App, Bayad o GCash mobile apps at ShopeePay. “May opsyon din silang magbayad sa pamamagitan ng internet banking facility ng Security Bank at Union Bank of the Philippines basta mayroon silang existing deposit account sa nasabing mga bangko.


Ang pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay nagpakita na ang bansa ay mayroong 9.4 milyong self-employed skilled agricultural, forestry, at fishery workers. Sa mga ito, sinabi ni Regino, na nasa 636,000 lamang ang nakarehistro sa SSS.

 

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page