top of page
Search
BULGAR

Epekto ng pagpapaliban ng pagtataas ng contribution rate ng SSS

@Buti na lang may SSS | January 31, 2021


Dear SSS,


Marami ang tumututol sa pagtataas ng SSS contribution rate. Ano ang stand ng SSS tungkol sa panukalang pagpapaliban ng bagong contribution rate? Salamat! – Miko ng Taguig City


Sagot


Mabuting araw sa iyo Miko!


Bago matapos ang 2020, inanunsiyo ng SSS ang tungkol sa nakatakdang pagtataas ng contribution rate ngayong taon. Umani ito ng samu’t saring reaksiyon sa iba’t ibang grupo. May mga samahan ng manggagawa at grupo ng employers ang nagpahayag ng pagtutol dito. Ang katuwiran nila ay hindi ito napapanahon dahil sa epektong at patuloy na idinudulot ng pandemya sa ating ekonomiya.


Bilang pangunahing ahensiya na nangangalaga sa pension fund ng mga naghahanapbuhay sa pribadong sektor, lubos naming nababatid ang responsibilidad sa 38.8 milyong miyembro at sa halos 2.8 milyong pensiyunado.


Kamakailan ay naimbitahan ang SSS sa pagdinig sa Kamara at Senado tungkol sa mga isinusulong na mga panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang pagpapatupad ng itinatakda ng Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018 na pagtatataas ng SSS contribution rate.


Naninindigan tayo sa SSS na ang mga probisyon sa mga nasabing panukala ay maaaring magpahina sa kakayahan ng SSS na tugunan ang obligasyon nito sa mga miyembro at pensiyunado.


Kaya, magalang na ipinapahayag ng SSS ang pagtutol nito sa mga nasabing panukala. Sapagkat ang mga ito ay magdudulot ng masamang epekto sa kalagayan ng pananalapi ng SSS at sa kinalaunan ay sa benepisyo ng mga benepisaryo at mga pensiyunado.


Marahil ay alam ng mga mambabatas na ang SSS ay nagpatupad ng iba’t ibang hakbang bilang tugon sa COVID-19. Kabilang dito ang pagpapalawig ng deadline sa pagbabayad ng kontribusyon; pagkakaroon ng moratorium sa pagbabayad ng utang; at pagbibigay ng advance pension, COVID-19 calamity loan, at unemployment insurance benefit. Ang lahat ng ito ay lubos na nakaapekto sa katayuang pinansiyal ng ahensiya.


Tinatayang ang pagpapaliban ng nakatakdang pagtataas ng contribution rate ay lalong magpapalubha sa katayuang pinansiyal ng SSS. Batay sa aming isinagawang pag-aaral:

  • Inaasahang ito ay magdudulot ng projected loss na katumbas ng P41.37 bilyong halaga ng kontribusyon sa taong ito, at ito ay patuloy na tataas kada taon;

  • Tinatayang magkakaroon ng deficit o kakulangan sa pondo na katumbas ng P14.90 bilyon sa taong ito sapagkat higit na mas malaki ang inilalabas na pondo kumpara sa pumapasok sa ahensya; at

  • Lalo rin nitong palalakihin ang unfunded liabilities na sa ngayon ay nagkakahalaga na ng trilyong piso.

Kung susuriin, lubhang maliit lamang ang itataas ng kontribusyon ng mga miyembro. Ito ay naglalaro lamang mula sa halagang P15 hanggang P100 para sa mga employed member at P30 hanggang P200 naman para sa mga self-employed at voluntary member. Samantala, ito ay nasa pagitan lamang ng P80 at P200 para naman sa mga OFWs. May maliit mang paggalaw sa halaga ng inihuhulog nila, malaking tulong naman ito upang mas mapatibay pa ang pondo ng SSS.


Nais nating bigyang-diin na matagal ng nabalang ang pag-angat ng contribution rate bilang bahagi ng kinakailangan reporma sa ahensiya. Bukod dito, ito sana ay magsisilbing kaparaanan upang kahit papaano ay mabawi ng ahensiya ang naging epekto sa pondo ng mga karagdagang benepisyo. Kung inyong matatandaan, ang ahensiya ay nagbigay ng P1,000 dagdag na benepsiyo sa mga pensiyunado; pinalaki ang benepisyo sa panganganak; at nagbigay rin ng benepisyo sa mga nawalan ng trabaho. Ang lahat ng ito ay nangangailangan ng kaukulang karagdagang pondo.


Kung ating susumahin, ang maliit na pagtataas na ito ng kontribusyon ay katumbas ng humigit-kumulang P41 bilyong halaga ng benepisyo at pautang para sa 3.3 milyong benepisaryo.


Aming hinihiling sa mga nagpipitagang mambabatas sa mababang kapulungan at sa Senado na maging obhektibo at isaalang-alang ang magiging epekto ng mga nasabing panukala sa buhay ng pondo ng SSS. At maipagpatuloy nito ang pagbibigay ng makahulugang benepisyo sa mga miyembro at pensiyunado.


Ipinagkakatiwala natin ngayon ang bagay nito sa ating Pangulo, at ipapatupad ng SSS ang anumang desisyon na maaaring gawin niya tungkol sa aming apela.

◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page