ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 5, 2024
![Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta](https://static.wixstatic.com/media/a09711_5f41788bb1484503b537ca798dface3e~mv2.jpg/v1/fill/w_118,h_71,al_c,q_80,usm_0.66_1.00_0.01,blur_2,enc_auto/a09711_5f41788bb1484503b537ca798dface3e~mv2.jpg)
Dear Chief Acosta,
Nagsumite ako ng liham ng pagbibitiw sa aking kumpanya dahil sa pananakot at pamimilit ng aking employer. Nais ko sanang maghain ng reklamo ukol dito ngunit ako ay nababahala sapagkat maayos ang aking mga isinulat, at sa katunayan ay nagpasalamat pa ako sa kumpanya. Mababalewala lang ba ang aking ihahain na reklamo dahil sa nilalaman ng aking liham ng pagbibitiw? – Merly
Dear Merly,
Hindi sapat na basehan ang pagpapasalamat sa isang liham ng pagbibitiw para masabing ito ay ginawa ng boluntaryo at maluwag sa loob ng isang empleyado.
Para sa iyong kaalaman, mayroong kasong napagdesisyunan ang Korte Suprema na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa SME Bank, Inc. vs. De Guzman (G. R. No. 184517, October 8, 2013, isinulat ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Maria Lourdes Aranal-Sereno):
“While resignation letters containing words of gratitude may indicate that the employees were not coerced into resignation, this fact alone is not conclusive proof that they intelligently, freely and voluntarily resigned. To rule that resignation letters couched in terms of gratitude are, by themselves, conclusive proof that the employees intended to relinquish their posts would open the floodgates to possible abuse. In order to withstand the test of validity, resignations must be made voluntarily and with the intention of relinquishing the office, coupled with an act of relinquishment. Therefore, in order to determine whether the employees truly intended to resign from their respective posts, we cannot merely rely on the tenor of the resignation letters, but must take into consideration the totality of circumstances in each particular case.”
Sang-ayon sa nabanggit na kaso, kahit na naglalaman ang isang liham ng pagbibitiw ng pasasalamat ay hindi kaagad mangangahulugan na ang empleyadong nagsulat nito ay hindi pinilit na magbitiw sa trabaho. Para tuluyang masabi na ang pagbibitiw sa trabaho ng isang empleyado ay nagawa ng tama at epektibo, kinakailangang mapatunayan na ito ay boluntaryo at may intensyong umalis na sa trabaho, kasama ng aksyon ng pagbibitiw.
Kapag ang pagbibitiw sa trabaho ay napatunayang hindi boluntaryo sa parte ng empleyado, maaaring managot sa kasong ilegal na pagtatanggal (illegal dismissal) ang kanyang employer dahil tinanggal ang isang empleyado sa kanyang trabaho na labag sa kanyang kalooban.
Kaya naman sa iyong sitwasyon, hindi sapat na pagbasehan lamang ang pasasalamat na nakasaad sa iyong liham ng pagbibitiw para balewalain ang iyong ihahain na reklamo laban sa dati mong pinapasukang kumpanya. Ang kabuuan ng mga pangyayari kaugnay ng iyong pagbitiw sa trabaho ay susuriin upang tuluyang matiyak kung ito ba ay boluntaryong ginawa at pinagdesisyunan mo, o kung dulot ito ng pananakot at pamimiliit ng iyong employer.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.