ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | May 14, 2023
Nitong nakaraang linggo, naghain tayo ng resolusyon sa Senado para imbestigahan ang posibleng epekto ng Kaliwa Dam project sa eco-tourism industry sa Rizal.
Naniniwala tayo na kailangan itong pagtuunan ng pansin dahil mahalaga na siguraduhing walang magiging masamang epekto ang proyektong ito sa kalikasan, lalo na sa ating mga eco-tourism sites.
☻☻☻
Nauna nang sinabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na bahagi ang Centennial Kaliwa Project sa kanilang water security roadmap.
Ayon sa kanila, kailangan na magkaroon tayo ng isa pang long-term water source bukod sa Angat Dam.
Dagdag pa ng MWSS, makakatugon ang proyektong ito sa water supply sa Cavite, Rizal, Metro Manila, at ilang bahagi ng Bulacan.
☻☻☻
Ngunit isa sa maaaring maapektuhan ng proyektong ito ay ang Kaliwa River Forest Reserve na bahagi ng ating Sierra Madre mountain range.
Rito makikita ang ilan sa mga endangered wildlife species gaya ng Northern Philippine Hawk-eagle at Philippine Brown Deer.
Bukod pa ito sa daan-daang mga plant species na nakatanim sa nasabing lugar.
Nar’yan din ang Tinipak River na kilala sa kanyang limestone formations.
Ayon sa mga katutubo sa lugar, kapag nakumpleto ang Kaliwa Dam, malulubog sa tubig at hindi na makikita ang mga limestone formations na ito.
☻☻☻
Bagama’t maganda ang intensyon ng proyekto, hindi rin natin maipagkakaila na maaaring magkaroon ito ng hindi magandang epekto sa ating mga likas na yaman.
Kaya kailangang imbestigahan at siguraduhing walang magiging pinsala na idudulot ang proyektong ito, lalo na sa ating eco-tourism sector.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comentarios