top of page
Search
BULGAR

Epekto ng hindi nakadalo sa pagpupulong ng labor arbiter

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Oct. 10, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


May tanong ako tungkol sa “mandatory conciliation and mediation conference” na itinakda ng isang labor arbiter. Nakatanggap ang aking kapatid na si Jenny ng liham na nag-aanyaya sa kanya na dumalo sa nasabing conference o pagpupulong, ngunit hindi siya nakadalo. Sa liham na iyon, may dalawang nakatakdang petsa para sa pagpupulong. Hindi niya nadaluhan ang unang pagpupulong at plano niyang dumalo sa ikalawang pagpupulong. Mayroon bang epekto ang hindi niya pagdalo sa unang pagpupulong? Sana ay mabigyan ninyo ng linaw ang aking katanungan. Salamat. — Hyacinth


 

Dear Hyacinth,


Ang “mandatory conciliation and mediation conference” na itinakda ng isang labor arbiter ay isang mahalagang proseso upang subukang mapagkasunduan ang mga isyu sa pagitan ng mga partido sa kaso. Sa pagkakataong ito, tinutukoy ang mga tunay na partido na may interes sa kaso, matukoy ang mga isyung dapat talakayin, at tingnan kung maaaring magkasundo ang mga partido nang hindi na dumaan sa isang pormal na pagdinig.


Ayon sa inamyendahang Section 8, Rule V ng National Labor Relations Commission (NLRC) Rules of Procedure, ang “mandatory conciliation and mediation conference” ay personal na pangungunahan ng labor arbiter at siya ang magkakaroon ng buong kontrol sa pagdinig. Sa mga lugar kung saan walang nakatalagang labor arbiter, maaaring isagawa ito ng isang labor arbitration associate, o iba pang tauhan ng NLRC na may sapat na pagsasanay at kaalaman sa conciliation at mediation, na awtorisado ng chairperson o ng sinumang pinahihintulutang tauhan ng Department of Labor and Employment (DOLE), alinsunod sa anumang memorandum of agreement na isinagawa para sa layuning ito. (As amended by NLRC En Banc Resolution No. 05-14, Series of 2014)


Sa sitwasyon na iyong nabanggit, ang mga epekto ng hindi pagdalo sa unang pagpupulong ay nakadepende kung ang iyong kapatid ay ang nagrereklamo o ang hinahabla sa kaso.


Kung siya ang nagrereklamo, ang epekto ng ‘di pagdalo ay makikita sa unang talata ng Section 10, Rule V ng NLRC Rules of Procedure, as amended, kung saan nakasaad na: 


SECTION 10. NON-APPEARANCE OF PARTIES. – The non- appearance of the complainant or petitioner during the two (2) settings for mandatory conciliation and mediation conference scheduled in the summons, despite due notice thereof, shall be a ground for the dismissal of the case without prejudice. Where by motion, proper justification is shown to warrant the re-opening of the case, the Labor Arbiter shall call a second hearing and continue the proceedings until the case is finally decided. Dismissal of the case for the second time due to the unjustified non-appearance of the complainant or petitioner who was duly notified thereof shall be with prejudice. (As amended by NLRC En Banc Resolution No.06-16, Series of 2016)


Sa kabilang banda, kung siya ang hinahabla o nirereklamo, ang epekto ay makikita sa pangalawang talata sa parehong nabanggit na batas sa itaas: 


In case of non-appearance by the respondent during the first scheduled conference, the second conference as scheduled in the summons shall proceed. If the respondent still fails to appear at the second conference despite being duly served with summons, he/she shall be considered to have waived his/her right to file position paper. The Labor Arbiter shall immediately terminate the mandatory conciliation and mediation conference and direct the complainant or petitioner to file a verified position paper and submit evidence in support of his/her causes of action and thereupon render his/her decision on the basis of the evidence on record.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page