ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | July 26, 2022
Dear Doc Erwin,
Napanood ko sa news program ang balita tungkol sa climate change. Ayon sa eksperto na na-interview, may epekto ang climate change sa ating kalusugan.
Nag-alala ako sa balitang ito dahil may mga magulang ako na inaalagaan na nasa edad 70. Maysakit na hypertension at diabetes ang aking ama at dementia naman ang aking ina.
Ano ba ang climate change? Paano ito makaaapekto sa kalusugan ng aking mga magulang? Ano ang mga dapat gawin upang maiwas ko ang aking mga magulang sa epekto ng climate change? - Maria Ruby
Sagot
Maraming salamat Maria Ruby sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ang climate change ay ang pagtaas ng temperatura sa ating kapaligiran, kasama na ang mga extreme weather events, tulad ng bagyo at tagtuyot. Ayon sa mga scientists, ang ating mundo ay mas mainit ng 1.2 degrees Celsius noong 2021 kumpara noong 1900. Ito ay lalo pang tumaas sa 1.5 degrees Celsius ngayong 2022.
Sa pag-aaral ng National Aeronautics and Space Administration (NASA), naganap ang mabilis na pag-init ng mundo sa nakaraang 40-taon. Dahil ito sa pagtaas ng level ng mga greenhouse gases, tulad ng carbon dioxide at methane. Ang mga greenhouse gases ay nag-a-absorb ng init galing sa araw at pinipigilan nitong bumalik ang init sa kalawakan. Dahil dito ay nanatili ang init sa ibabaw ng ating mundo, na nagdudulot ng pagtaas ng temperatura.
Ang pagtaas ng temperatura ang dahilan ng maraming pagbabago sa ating klima. Umiinit ang mga ilog at dagat, dahilan kung bakit apektado ang pangingisda at kabuhayan ng mga mangingisda. Dahil sa pag-init ng panahon, apektado rin ang irigasyon ng pagsasaka at ang produksyon ng bigas. Lahat ito ay nagdudulot ng water at food insecurity.
Natutunaw din ang mga yelo sa north pole na nagiging dahilan ng pagtaas ng 21 percent ng sea level natin, na nagdadala ng pagbaha sa mga coastal towns at paglubog sa tubig ng ilang mga lugar.
Isa sa mga importanteng epekto ng climate change ay ang mga epekto nito sa ating kalusugan. Ang pag-init ng panahon ay nagdadala ng iba’t ibang health risks.
Ayon sa pag-aaral ng Karolinska Institute sa bansang Sweden, dumarami ang mga nagkakaroon ng ‘hyponatremia’ o ang pagbaba ng level ng sodium sa katawan. Dahil ito sa pag-init ng kapaligiran at pagpapawis. Madalas na apektado nito ang mga bata at matatanda.
May pag-aaral din na nagpapakita na dahil sa climate change maaaring humina ang ating immune system laban sa mga sakit, tulad ng trangkaso. Humihina rin ang mga panlaban natin sa infection mula sa ating digestive system. Mayroon din link ang kidney disease at exposure sa matinding init.
Ayon sa pag-aaral sa University of Copenhagen na inilathala sa scientific journal na PeerJ noong August 2021, dahil sa pag-init ng kapaligiran ay maaaring lumala ang sintomas ng mga indibidwal na may sakit na epilepsy, Alzheimer’s Disease, Parkinson’s Disease at migraine. Nagkakaroon ng irritability, anxiety, depression at agitation ang mga indibidwal na may Alzheimer’s Disease at iba pang uri ng dementia. Maging alerto sa mga nasabing sintomas na maaaring maranasan ng iyong ina na may dementia.
Ayon sa Center for Disease Control (CDC) ng Amerika, nakakaapekto ang mainit na panahon sa mga indibidwal na may mental illness at depression. Tumataas ang suicide rates tuwing mainit ang panahon at maaari ring magkasakit ng hyperthermia ang mga may schizophrenia dahil sa pag-inom nila ng gamot na nakakaapekto sa thermal regulation ng kanilang katawan.
Dahil sa mga health risks ng climate change na ating nabanggit, makabubuti sa iyong mga magulang ang mga sumusunod na pamamaraan upang labanan ang init sa kapaligiran: gumamit ng manipis at maluwag na damit upang mapanatili ang lamig ng katawan, umiwas lumabas kung mainit ang panahon at bawasan ang exercise kung mainit ang panahon. Panatilihin ang adequate ventilation ng kuwarto ng iyong mga magulang.
Importante rin ang madalas na pag-inom ng tubig. Maaaring uminom ng sports drink upang mapanatili ang electrolyte balance ng katawan. Dahil ang iyong ama ay may diabetes at hypertension, magpakonsulta sa doktor kung maaaring uminom ng sports drink at kung anong uri ng inumin ang nararapat.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments