ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 7, 2023
Marami ang nahulog sa kani-kanilang inuupuan nang lumabas ang balitang ibinalik na kahapon sa kanyang puwesto si Teofilo Guadiz bilang chairperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) makaraang suspendihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang buwan dahil sa alegasyon ng korupsiyon.
Nakumpirma ang balitang ito nang i-post sa social media ng ilang transport group ang isang special order mula sa Department of Transportation (DOTr) na pirmado mismo ni DOTr Secretary Jaime Bautista na balik-trabaho na si Guadiz at parang walang nangyaring iskandalo.
Matatandaan na mabilis na umaksyon ang Palasyo at agad na sinuspinde si Guadiz makaraang ibulgar ng dati nitong executive assistant na si Jeff Tumbado, kaugnay sa ‘ruta for sale’ scheme kung saan ang public utility vehicle operators ay nagbabayad umano ng hanggang P5 milyon sa transport officials para makakuha ng ruta, prangkisa o special permit.
Hindi lang ang Malacañang ang naalarma sa pagbubunyag na ito ni Tumbado kaya nga agad na sinuspinde si Guadiz dahil maging ang taumbayan ay pinaniwalaan ang pagtatapat ni Tumbado dahil pinatotohanan din ito ng maraming driver at operator sa bansa.
Sabagay, hindi naman talaga lihim ang umiiral na ‘lagayan’ sa maraming ahensya ng pamahalaan na kahit anong pagbabantay ang gawin ay talagang nangyayari dahil sa nakasanayang sistema ng korupsiyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nang ipatawag si Tumbado ng National Bureau of Investigation (NBI) upang imbestigahan hinggil sa kanyang isinawalat na anomalya ay wala na silang napiga at dito ay sinabi ni Tumbado sa media na nagkausap na sila ni Guadiz.
Kasabay nito ay binawi na ni Tumbado ang kanyang mga ipinagtapat at sinabi niyang naging madamdamin umano ang pag-uusap nila ni Guadiz na nauwi pa sa iyakan kaya mas pinili ni Tumbado si Guadiz matapos ang hindi naman detalyadong pagkakasundo.
Noong nakaraang Oktubre 23 ay ipinatawag ng Kongreso si Tumbado at dito ay kinastigo ito ng House Committee on Transportation dahil sa pagbawi nito sa kanyang testimonya at bigong mapatunayang totoo ang alegasyon nito laban kay Guadiz at sa ahensya.
Dismayado ang mga mambabatas kaya na-cite in contempt si Tumbado at ipinag-utos na makulong ng 10 araw noong Oktubre 23 dahil sa pabago-bago umanong pahayag nito kaugnay ng korupsiyon umano sa LTFRB.
Hindi bobo ang mga kongresista para paikutin lang ni Tumbado dahil napakarami na ng reklamo sa LTFRB mula sa iba’t ibang transport group na ngayon sana ang tamang pagkakataon para aksyunan ang problema dahil may tumayo nang testigo sa pag-amin ni Tumbado.
Ngunit, mas pinili na ni Tumbado na akuin ang lahat ng sisi na siya rin naman ang may kagagawan at handa siyang tanggapin kahit tawagin siyang sinungaling ng taumbayan.
Hindi natin masisisi si Sec. Bautista na ibalik na sa puwesto si Guadiz dahil sa panig ng DOTr ay isang malaking panalo ang pangyayaring ito laban sa mga transport group na nag-aakusa sa kanila ng korupsiyon.
Katunayan ay nagsampa pa ng kasong libelo itong si Sec. Bautista laban kay Mar Valbuena, chairperson ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA) upang pabulaanan ang korupsiyon sa kanyang tanggapan.
Hindi kasi kontento ang MANIBELA na si Guadiz lang ang masibak dahil nais nilang idamay si Bautista na ayon sa ‘expose’ ni Tumbado ay inaabot ng lagayan hanggang Malacañang.
Kung dati ay nakapuntos ang MANIBELA, sa pagkakataong ito ay tila naungusan sila ng DOTr at LTFRB dahil sa hindi maipaliwanag na pag-atras at pagbawi ni Tumbado na isa sanang matibay na saksi.
Marami tuloy ang nagtatanong kung ano ba ang totoong namagitan sa madramang pag-uusap nina Tumbado at Guadiz na naging dahilan upang agad-agad ay iatras na ni Tumbado ang napakaliwanag at detalyado niyang ibinulgar.
Alam naman natin ang sistema sa Pilipinas -- kung walang ebidensya at walang testigo ay wala ring kaso — tuloy ang ligaya!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments