top of page
Search
BULGAR

Epektib na programang pangkalusugan sa mga bata at ina para iwas-malnutrisyon

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Pebrero 13, 2024

Stunting, o ang kakulangan sa pagtaas batay sa edad ng bata, ay ang resulta ng kakulangan sa nutrisyon o undernutrition. Kinakailangang bigyan ito ng kaukulang pansin dahil malaki rin ang epekto nito sa kabuuang progreso at pag-unlad ng ating bansa lalo na ang pagiging produktibo sa larangan ng edukasyon at trabaho.


Upang tugunan ang mga pangangailangan sa nutrisyon ng mga bata, inilaan ang P300 milyon sa ilalim ng 2024 national budget para sa mga programang pangnutrisyon sa mga bata.


Layon ng mga programang ito na sabayan ang Philippine Multi-Sectoral Nutrition Project (PMNP) at tutukan ang fifth at sixth-class municipalities na may stunting rates na mahigit 15 porsyento.


Sa mga pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) kung saan ang inyong lingkod ay co-chairperson, napuna natin na hindi tuluy-tuloy, mababa ang coverage, at hindi epektibo ang targeting ng mga programang pangnutrisyon para sa mga batang wala pang limang taong gulang.


Sa ulat na pinamagatang “Miseducation: The Failed System of Philippine Education,” pinuna ng EDCOM II na kung ihahambing sa 22.3 porsyento na global average, ang Pilipinas ang isa sa may pinakamaraming 5-taong gulang na batang apektado ng stunting (26.7 porsyento). Ang paglalaan ng pondo para sa mga ina at batang nasa peligro ang kalusugan ang isa sa mga naging rekomendasyon ng EDCOM II para sa kasalukuyang taon.


Lumalabas sa datos ng Department of Education (DepEd) na 30 porsyento ng mga batang lumalahok sa school-based feeding program ang bumabalik sa pagiging “wasted” at “severely wasted.” 


Samantala, ang kagandahan naman sa inisyatibong ito ng gobyerno ay pinapakain pa rin ang lahat ng mga bata sa mga day care center kahit na ang sakop lamang ng Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act (Republic Act No. 11037) ay mga batang malnourished.  


Mahalaga ang papel ng mga LGU sa paghahatid ng mga programang pang nutrisyon tulad ng feeding program. Layon ng Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029), na inihain ng inyong lingkod, na palawakin ang papel ng mga LGU pagdating sa early childhood care and development o ECCD, kabilang na ang pagpapatatag at pag-aangat sa kalidad ng mga programa para sa ECCD.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating pagsisikapan na tugunan ang pangangailangan sa kalusugan at nutrisyon ng mga bata mula sa panahong ipinagbubuntis sila, lalo na’t malaki ang epekto nito sa kanilang kakayahang matuto. 


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page