top of page
Search
BULGAR

Entry restrictions, binawi... Pagpapadala uli ng Pinoy workers sa South Korea, oks na – DOLE

ni Lolet Abania | November 7, 2021



Sisimulan na uli ng pamahalaan ang pagde-deploy ng mga manggagawang Pilipino sa South Korea matapos na bawiin na ng naturang bansa ang kanilang entry restrictions, batay sa anunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Linggo.


Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, nagbigay na ng direktiba ang DOLE sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na simulan na nito ang proseso ng deployment ng mga manggagawa mula sa mga Asian neighbors ng bansa.


“This is a very good news not only to our EPS (entry permit system) workers and their families, but also to the Korean employers who have been waiting for our workers to return,” ani Bello sa isang emailed statement.


Ginawa ni Bello ang pahayag matapos na ang Ministry of Employment and Labor (MOEL) ng Korea ay ianunsiyo nitong Biyernes na papayagan na nila ang pagpasok ng mga workers sa ilalim ng kanilang EPS na magmumula sa ibang mga bansa kabilang na rito ang Pilipinas.


Ang tinatawag na entry of workers sa ilalim ng EPS ay inaasahang magsisimula bago matapos ang Nobyembre, kung saang libu-libong manggagawang Pinoy ang naghihintay ng kanilang deployment noon pang nakaraang taon.


Base sa itinakdang MOEL directive, ang mga manggagawa ay subject sa pre-entry measures gaya ng full vaccination, at dapat mayroong negative RT-PCR test result.


Gayundin, kailangang nagsagawa ng post-entry measures tulad ng mandatory quarantine at RT-PCR testing.


Para sa kanilang bahagi, ayon sa Korean Embassy in the Philippines, hinihintay naman nila ang itatakdang guidelines mula sa South Korean government para sa issuance ng E9 visas sa mga Filipino EPS.


Ayon pa kay Bello, inatasan na rin ng DOLE ang POEA na makipag-meeting sa mga Korean officials upang talakayin ang mga kinakailangang requirements at procedures para sa entry at re-entry ng Pinoy EPS workers sa Korea.


Ang Pilipinas ay nagde-deploy ng mga Filipino workers sa Korea sa ilalim ng tinatawag na government-to-government cooperation agreement simula noong 2004, subalit nasuspinde ang deployment ng mga Pinoy simula pa noong Hunyo 2020 sa gitna ng COVID-19 pandemic.

0 comments

Recent Posts

See All

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page