ni Gerard Peter - @Sports | January 16, 2021
Nagsimula ng paunti-unting pumasok ang mga Olympic hopefuls na pinangunahan ng ilang national boxers’ para sa kanilang isasagawang ‘bubble training camp’ sa loob ng Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna kahapon.
Nauna ng pumasok sina 2019 AIBA World women’s champion at 30th Southeast Asian Games gold medalist Nesthy Petecio, biennial meet silver medalist Marjon Pianar at featherweight Junmilardo Ogayre, habang susunod ang iba pang miyembro ng koponan na kinabibilangan nina SEAG light-flyweight titlist Carlo Paalam, Marvin Tabamo, John Paul Panuayan, Mario Fernandez, Aira Villegas at dating World champion at 5-time SEAG gold medal winner Josie Gabuco.
Makakasama rin nila sina national coaches Pat Gaspi, Nolito Velasco at 1992 Barcelona Olympics bronze medalist Roel Velasco, Jojen Ladon, dating lady boxer Mitchell Martinez, Elmer Pamisa, at 2016 Rio Olympics campaigner Rogen Ladon.
Nakatakdang dumating ngayong araw sina 2021 Tokyo Olympics-bound Irish ‘Aye” Magno, Australian boxing consultant Don Abnett, habang magkakasabay sa Lunes sina coach Reynaldo Galido, international veterans Ian Clark Bautista, James Palicte, Jere Samuel dela Cruz at Riza Pasuit, na manggagaling sa Negros Occidental.
“Sa Monday pa bale ang biyahe naming galing Bacolod kase mahirap ang flights ngayon dito,” saad ni Galido sa isang mensahe sa social media.
Agad na dumaan sa swab testing ang mga naunang pumasok sa ‘Calambubble’ bilang pagsunod sa health at safety protocols na ipinapatupad ng Philippine Sports Commission (PSC), Inspire Sports Academy, Department of Health (DOH) at Inter Agency Task Force Emerging Infectious Disease (IATF-EID). “Medyo nag-aadjust pa po kasi medyo pagod sa biyahe,” wika ni Petecio na nasasabik ng makapagsimula ng pagsasanay upang makuha ang kinakailangang timbang. “Kaya nga sobrang excited ako nu'ng sinabi babalik na Manila para sa bubble training kasi mas makakapag-focus ako ng husto talaga, 'yung nasa isang compound lang kayo at 'yung mindset ng lahat ay iisa lang, kundi mag-training at 'yung darating na Olympic qualifier.
Sunod namang papasok ngayong araw ng Sabado ang delegasyon ng national karate na bubuuin nina foreign coach Okay Arpa ng Turkey, strength and conditioning coach Sonny Montalbo, coach Jonel Perana, Jamie Lim, Joaane Orbon, Sharief Afif, at Ivan Agustin, at Alwyn Batican at taekwondo jins Pauline Lopez, Olympian Elaine Kirstie Alora, Kurt Bryan Barbosa, Arven Alcantara, Samuel Morrison, Ian Chavez, Rhezie at Rheza Aragon at mga coaches na sina Carlos Padilla, Al De la Cruz at Luis de Mesa (strength and conditioning) sa Enero 17.
Inaprubahan ng IATF nu'ng Disyembre 15, 2020 ang rekomendasyon ng muling pagdaraos ng pagsasanay ng mga national team para sa 2021 Summer Olympic Games na magbubukas simula Hulyo 24-Agosto 8 sa Tokyo, Japan.
Comments