ni Lolet Abania | November 1, 2020
Muling isasailalim ang England sa national lockdown ni Prime Minister Boris Johnson matapos na magtala ang United Kingdom ng mahigit isang milyong kaso ng Coronavirus at ang banta ng ikalawang bugso ng infections na pinangangambahan ng mga health service workers ng lugar.
Gayundin, sa opisyal na record, ang United Kingdom na may pinakamaraming naiulat na namatay sa Europe dahil sa COVID-19 ay patuloy na nakikipaglaban sa mahigit sa 20,000 bagong kaso ng virus kada araw.
Nagbabala rin ang mga siyentipiko ng “worst case scenario” dahil posibleng lumampas sa 80,000 ang mamatay sa mga susunod na araw. Ayon sa local media ng lugar, isasailalim ang England sa lockdown simula November 5 hanggang December 2.
Magpapatupad din ng mga restrictions sa Britain, kung saan hindi papayagang lumabas ng bahay ang lahat maliban kung may kaugnayan sa edukasyon, trabaho, pagbili ng mga essential goods at medicines o pag-aalaga sa mga may sakit.
"Now is the time to take action because there is no alternative," ayon kay Johnson na kasamang nag-anunsiyo sa publiko ang chief medical officer na si Chris Whitty at chief scientific adviser niyang si Patrick Vallance.
Gayunman, ayon kay Johnson, mananatiling bukas ang essential shops, eskuwelahan at unibersidad, subali’t sarado ang lahat ng non-essential retail, leisure at hospitality venues.
Ang mga pubs at restaurants ay papayagan lamang para sa mga takeout goods. Wala ring operasyon ng international travel at maging ang pagbiyahe sa mga lugar sa United Kingdom ay ipinagbabawal muna.
Comments