ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | April 15, 2023
KATANUNGAN
Matagal ko nang pangarap na makabili ng laptop dahil kailangan ko ito sa school. Third year college na ako sa kursong Engineering at mahirap lang kami. May pag-asa pa bang matupad ang pangarap kong ito upang hindi na ako mag-rent at makigamit sa aking mga kaklase?
Gayundin, nais kong malaman kung nakaguhit ba sa aking mga palad ang makatapos ng pag-aaral kahit may problemang pampinansyal ang aming pamilya? Kung sakaling makakatapos ako, ano sa palagay n’yo ang mangyayari sa career ko, makakapasa ba ako sa board exam at magiging successful na engineer?
KASAGUTAN
Tunay ngang makakatapos ka ng pag-aaral, pero bago mangyari ‘yun, hihinto ka muna. Ito ang nais sabihin ng huminto (F-F arrow a.), pero may sumapong bagong Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.), na tinatawag din nating Career Line (arrow b.), sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na kapag huminto ka sa pag-aaral, siguradong pansamantala lang ‘yun dahil ilang buwan lang ang lilipas, may matatagpuan kang angkop na trabaho at habang nagtatrabaho at may sariling kayod, muli kang makakapag-aral kahit kaunting units lang kunin mo kada sem.
Sa ganu’ng sistema o ‘pag working student ka na, ‘ika nga ay pakonti-konting units lang ang loads, kahit medyo matagal, tulad ng nakatakda sa kaliwa at kanan mong palad, hahanga pa ang iyong pamilya at mga kakilala dahil magagawa mong makapagtapos ng pag-aaral sa pamamagitan ng sarili mong kayod at pagsisikap.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Rodel, nakatakda na ang magaganap, obligado kang huminto sa pag-aaral, ngunit pansamantala lang ‘yun. Matapos mong tumigil ay makakapagtrabaho ka at kasabay nito, magagawa mong mag-aral, at pagkalipas ng ilan pang mga taon pa at sa edad mong 28 pataas, sa sarili mong kayod at pagsisikap, maluwalhati kang makakatapos ng pag-aaral, hanggang sa makapasa sa engineer board exam (Drawing A. at B. F-F arrow c.).
Sa panahong ‘yun, mare-regular ka na sa trabaho at lalo pang gaganda ang iyong income, hanggang sa makabili ka ng laptop na pangarap mo, gayundin, maganda at latest model na sasakyan, cellphone, gadgets at iba pang luho sa buhay na matagal mo nang pangarap na magkaroon. Sa bandang huli, makakapagpundar ka na rin ng sarili bahay at lupa, na nakatakdang mangyari sa taong 2039 at sa edad mong 38 pataas.
Comments