top of page
Search
BULGAR

Engineer, arestado sa P55M shabu sa NAIA

ni Gina Pleñago | June 7, 2023




Nabuko ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of NAIA nang tangkain ng isang Liberian national na ipasok ang 8.138 kilo ng hinihinalang shabu na natagpuan mula sa kanyang dalawang bagahe kamakalawa ng gabi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.


Kinilala ni BOC-Port of NAIA District Collector Atty. Yasmin Mapa ang suspek na si Philip Campbell, 34, mechanical engineer, at pasahero ng Qatar Airways flight QR 934 galing Doha, Qatar.


Dumating si Campbell noong June 4, 2023 kung saan ang port of origin ay sa Lagos, Nigeria at sumakay via Qatar Airways patungong Maynila, ngunit pagdating nito ay nagkaroon umano ng problema ang kanyang travel documents sa Immigration kaya pansamantala itong pinigilang makalabas.


Ayon kay Atty. Lourdes Mangaoang, pinuno ng X-ray Inspection Project (XIP), ang 2 bagahe ni Campbell ay sumailalim sa screening at nakakita rito ng kahina-hinala, potensyal na naglalaman ng ilegal na droga kaya naalerto ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group at mga operatiba ng PDEA.


Nagsagawa ang isang Customs examiner mula sa arrival operations division ng 100% physical examination, at natuklasan ang 8.138 kilo ng shabu na nakatago sa yellow powdery spices na may street value na P55,338,400.


Isasailalim sa seizure at forfeiture proceedings ang nasabat na droga habang iniimbestigahan ng mga otoridad ang naarestong pasahero para sa paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165, o Comprehensive Drug Act, at RA 10863, na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).


Nagpasalamat at pinuri ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio ang pagsisikap ng Port of NAIA at PDEA, XIP, at NAIA-IADITG sa kanilang mahalagang suporta sa operasyon.


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page