ni Lolet Abania | October 21, 2021
Nilinaw ng isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang pag-terminate o pagtatanggal sa mga empleyado ay ipinagbabawal, kung ang dahilan lamang nito ay hindi bakunado kontra-COVID-19.
“Kung ang termination niya ang sole basis ay unvaccinated hindi po, bawal po ‘yan,” ani DOLE Undersecretary Ana Dione sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes.
“Unvaccinated as basis of termination, palagi nating inuulit na ‘yan po ay discrimination,” sabi pa ni Dione.
Subalit, una nang ipinahayag ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ngayon ding Huwebes na mayroon na ngayong legal na batayan ang mga employers na nasa ilalim ng Alert Level 3 na i-require ang kanilang mga empleyado na magpabakuna laban sa COVID-19.
Patungkol sa legal basis, ibinase ito ni Bello sa isang television interview hinggil sa resolution ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3.
“Correct. Because now there is an obligation on the part of the employer na dapat vaccinated ang mga empleyado niya, so he can require ‘yung mga empleyado na magpabakuna because now there is a legal basis,” paliwanag ni Bello sa isang interview.
Ito ang naging pahayag ni Bello nang tanungin kung ang mga employers ay maaaring mag-terminate o magtanggal ng hindi bakunadong mga empleyado, lalo na ngayon na ang expansion ng kapasidad para mag-operate ay pinapayagan lamang sa maraming establisimyento kung ang lahat ng kanilang manggagawa ay fully vaccinated na.
Sa ilalim ng Alert Level 3, ang mga establisimyento ay papayagang mag-operate ng 30% ng indoor venue capacity para lamang sa fully vaccinated individuals at 50% ng outdoor venue capacity na dapat ang lahat ng mga empleyado nito ay fully vaccinated.
Sinabi pa ni Bello na sa ngayon ang mga employers ay maaari nang i-withhold o hawakan ang suweldo ng kanilang empleyado sa ilalim ng IATF resolution para sa Alert Level 3.
“May IATF resolution na nagsasabi na ‘yung Alert Level 3 puwedeng mag-operate ang restaurant pero ang restaurant kailangan vaccinated na ang mga empleyado at customer,” sabi ni Bello.
“’Yun meron nang batas, so that is now an exemption kasi meron ng IATF. There is a basis now to hold the payment because it will have a violation of IATF resolution,” sabi ni Bello.
Bago ang IATF resolution, ayon kay Bello ang “no vaccine, no work” at “no vaccine, no pay” policies ay illegal.
Gayunman, giit ni Bello na isang batas lamang ang kailangan para ang vaccination ay maging mandatory na sa lahat, kabilang dito ang mga workers.
Aniya pa, hindi siya pabor sa mandatory vaccination hangga’t ang bansa ay walang sapat na suplay ng bakuna.
“It’s not prudent to make it mandatory,” sabi ni Bello.
Comments