top of page
Search
  • BULGAR

Employer, may 'K' ilipat ng destino ang empleyado

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 24, 2024


Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Security guard ang aking trabaho at naka-duty ako sa isang mall sa Quezon City. Gusto ko ang trabaho ko rito sapagkat malapit lang ito sa aking bahay. Ngunit kamakailan lang ay nakatanggap ako ng memo sa aking employer kung saan nakasaad na ililipat diumano ang duty ko sa Pasay City sapagkat kulang diumano sila ng tauhan doon. Napakalayo na roon sa aking tirahan at madadagdagan din ang aking mga gastusin dahil sa pamasahe. Maaari ko bang ilaban na hindi ako maaaring pilitin ng aking employer na lumipat ng lugar kung saan ako magdu-duty?


-- Fely



 

Dear Fely, 


Ang bawat employer ay mayroong eksklusibong karapatan sa pamamalakad ng kanilang negosyo, at isa na rito ang paglipat ng istasyon ng kanilang mga empleyado. Sa kasong napagdesisyunan ng Korte Suprema na Bognot vs. Pinic International (Trading) Corporation/CD-R King, (G.R. No. 212471, March 11, 2019, J. Reyes, Jr.), ay nakasaad na:


“Relatively, petitioner's unsupported theory that the pull out is actually a form of constructive dismissal does not persuade this Court. The right of employees to security of tenure does not give them vested rights to their positions to the extent of depriving the management of its prerogative to change their assignments or to transfer them. It should be emphasized that absent showing of illegality, bad faith, or arbitrariness, courts often decline to interfere in employers’ legitimate business decisions considering that our labor laws also discourage intrusion in employers' judgment concerning the conduct of their business.  As mentioned above, PAMS had a bona fide reason to re-assign petitioner to another client. To be sure, the premature filing of the illegal dismissal case deprived PAMS the latitude given to it by law to re-assign petitioner to another client.” 


Sang-ayon sa nabanggit na kaso, ang karapatan ng mga empleyado sa seguridad ng kanilang trabaho ay hindi nangangahulugang hindi na sila maaaring ilipat ng kanilang employer sa ibang posisyon o lugar ng pamamasukan. Kung wala namang ilegal at masamang intensyon sa paglipat ng empleyado, maaaring gawin ito ng employer sang-ayon sa pangangailangan ng negosyo. 


Dahil ang nabanggit na dahilan ng paglipat mo ay dulot ng kakulangan sa tauhan ng iyong employer, maaaring makonsidera na walang bahid ng masamang intensyon ang iyong paglipat mula Quezon City papuntang Pasay City, malayo man ito sa iyong tirahan. Palagi nating isipin na parehong pinoprotektahan ng batas ang karapatan ng employer at empleyado. Sa sitwasyong ito, ang kakulangan ng tauhan sa isang posting ng employer ay maaaring magdulot ng pinsala sa kanyang negosyo kung hindi ito mapupunan. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page