ni Lolet Abania | February 23, 2022
Naglabas na ang Commission on Elections (Comelec) ng kanilang pangkalahatang panuntunan sa proseso ng pagboto ng mga persons with disability (PWD), senior citizens, at iyong heavily-pregnant o malaki nang nagbubuntis para sa 2022 elections.
Batay sa Resolution 10761, maglalagay ng mga Emergency Accessible Polling Places (EAPPs) sa mga voting centers at piling lugar na nakalaan para sa mga PWDs, senior citizens, at heavily-pregnant na mga botante.
Ang EAPP ay isang silid o makeshift/temporary polling place na nakalatag sa unang palapag o sa ground floor ng isang voting center o sa labas nito subalit may kalapitan sa botohan, kung saan ang PWD, senior citizen at heavily pregnant voters ay makakaboto sa Election Day.
“The Commission shall ensure that the voting procedures in the EAPP, including the facilities and materials therein are appropriate, accessible and easy to understand and use, and that reasonable accommodation shall be granted to persons with disabilities, senior citizens and heavily pregnant voters in order that they may fully exercise their right to suffrage,” paliwanag ng Comelec.
Ayon sa Comelec, ang isang EAPP ay dapat na itayo sa mga lugar na mayroong isa hanggang pitong barangay, dalawa para sa walo hanggang 14 barangay, at tatlo para sa 15 at pataas na mga barangay.
“All EAPPs must have an ample space capable of accommodating at least 10 PWD, SC, and/or heavily pregnant voters, including wheelchair-users and assistors, at any given time,” pahayag pa ng komisyon.
Sinabi rin ng Comelec na mahalagang accessible ang EAPPs sa mga naturang botante, na dapat mayroon ditong mga rampa, malalaking print signages at mga directional signs naman sa entrance ng voting precinct patungo sa EAPP, madaling makitang mga washroom, at Filipino Sign Language Interpreter kung kakayanin pa nito.
Ayon pa sa poll body, ang isang PWD, senior citizen o heavily-pregnant ay maaaring bumoto sa EAPP o sa polling precinct kung saang presinto siya naka-assign.
Ang pagboto sa EAPP ay magsisimula ng alas-6:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon habang ang pagboto sa mga satellite EAPPs ay mula naman ng alas-6:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon.
Comentários