ni Lolet Abania | July 9, 2021
Naglagay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga emergency lay-by sa iba’t ibang lugar na inilaan para sa mga motorcycle riders.
“Because alam mo tuwing umuulan, talagang medyo delikado dahil ‘yung iba humihinto sa gilid at baka hindi makita ng sasakyan [at] mabangga sila,” ani MMDA chairman Benhur Abalos sa isang interview ngayong Biyernes.
Ayon kay Abalos, walong lay-by areas ang itinakda ng ahensiya sa kahabaan ng EDSA na nasa Quezon Avenue, GMA Kamuning, Kamias, Santolan, Ortigas, Buendia, Tramo at Roxas Boulevard.
Anim na lugar naman ang inilagay na lay-by sa kahabaan ng C5 Road na nasa Commonwealth Avenue, Luzon flyover; Barilake Highway; Aurora Boulevard; C5-Libis; Pasig Boulevard at C5 Kalayaan elevated U-turn along C5 Road.
Sa kahabaan ng Roxas Boulevard ang lay-by areas ay sa Recto corner ng Roxas Avenue at sa Buendia flyover.
Tatlong lugar din ang inilatag ng MMDA na lay-by sa kahabaan ng Sucat NAIA Road na nasa NAIA Imelda Avenue; NAIA Imelda at ang Parañaque Sucat Road malapit sa SM Sucat.
Sa kahabaan ng Alabang, ang West Service Road at ang Alabang National Road ang inilagay ng ahensiya na lay-by areas.
“Inuulit ko, ito po ‘yung emergency parking habang umuulan. Hindi ito puwedeng maging terminal o ano man,” ani Abalos.
Comentarios