ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Mar. 22, 2025
Photo: Elle Villanueva - IG
Nagkaroon pala ng freak accident ang Kapuso actress na si Elle Villanueva habang nagbabakasyon sila ng boyfriend na si Derrick Monasterio sa Europe.
Ini-reveal ito mismo ng Kapuso actor sa mediacon ng bago niyang TV series na Slay na ginanap last Wednesday.
Ayon kay Derrick, hindi niya makakalimutan ang nangyaring aksidente na naganap habang nasa Alps sila sa Switzerland.
“She almost died. Nasa Alps kami, tapos nadulas siya without knowing kung matatapos ba ‘yun and dire-diretso lang siya pababa,” kuwento ni Derrick.
That moment ay sobrang takot daw niya na baka mawala sa kanya ang taong pinakamamahal niya.
“Buti na lang, huminto (ang pagdausdos pababa ni Elle). Buti na lang, safe kami. Pero ‘yung moment na ‘yun talaga ang nagpa-realize sa akin na life is short, na huwag kong i-take for granted ang buhay,” ani Derrick.
“Sobrang grabe ang pasasalamat ko na walang nangyari sa kanya,” dagdag pa niya.
Bago raw ang aksidente ay nagpapa-picture siya kay Elle. At nagulat na lang siya nang bigla itong mahulog.
“Nahulog siya, dire-diretso. Sa sobrang taas, like two-storey high slope without seeing the end kasi sobrang foggy,” aniya.
Mapapanood daw sa vlog ni Elle soon ang nasabing aksidente dahil nakunan daw nito ng video ang aktuwal na pangyayari.
Samantala, sa nasabing presscon ay pinuri-puri ng isa sa mga big bosses ng GMA Network si Derrick sa mahusay na performance nito sa Slay. Aniya ay rebelasyon daw ang aktor sa nasabing serye.
Sobrang flattered and grateful naman ni Derrick sa papuring natanggap mula sa top GMA executive.
“I’ve been here in showbiz for 15 years, ever since, lagi akong nakakarinig ng comments na hindi ako marunong umarte, na ham actor (ako). Siguro, this is the first time that I’ve been receiving this kind of compliment.
“For me, nakakatuwa siya, minsan, nagiging emotional ako ‘pag nakakarinig ako ng mga ganu’n kasi. . . ah, wala, eh, ano, eh. Ano talaga, eh, parang nakakatuwa talaga kasi hindi ko siya na-experience before. Thank you, thank you, salamat po,” ani Derrick.
Pangako ng aktor na hindi niya bibiguin ang tiwalang ibinibigay sa kanya ng network at mas gagalingan pa niya.
Samantala, ang Slay ay pinagbibidahan ng mga hottest GMA/Sparkle female stars na sina Julie Anne San Jose, Gabbi Garcia, Ysabel Ortega and Mikee Quintos.
Magsisimula na ang serye sa March 24 sa GMA Prime. Napapanood na rin ito sa VIU streaming app.
MULA pilot hanggang sa pagtatapos nitong nakaraang Thursday ay consistent sa mataas na ratings ang My Ilonggo Girl ni Jillian Ward.
Bukod nga sa mataas ang ratings ay talaga namang lagi itong pinag-uusapan online.
Patok sa mga viewers ang tambalan ni Jillian at ng kapwa Sparkle artist na si Michael Sager at ang daming kinilig sa kanila.
After My Ilonggo Girl, may chance pa kaya ang dalawa for a reunion project? Ito kasi ang sigaw ng MicJill fans na humirit ng book 2 ng MIG.
Kung si Jillian ang tatanungin, game na game pa siyang makasama ulit si Michael. Tila naging close talaga sila ng onscreen partner n’ya.
“Gusto ko rin siya maka-work ulit kasi naging very good friends talaga kami ni Michael,” say ni Jillian sa isang panayam.
Pero sa mga MicJill fans, chill muna kayo d’yan. Isa kasi si Michael sa mga Sparkle artists na pumasok sa bahay ni Kuya.
“Michael, pagbalik mo, tanggap ka pa rin naman namin kahit matagal kang mawawala,” pabirong sabi ni Jillian sa kanyang co-star. “I wish you all the best and enjoy lang kayo d’yan,” say pa nito.
Comments