top of page
Search
BULGAR

ELLA PINAGTRIPAN, 2 BESES SINAMPAL SA ISKUL

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | June 04, 2021




“I remember one time, I was walking in the hallway na dalawang beses nangyari na mayroong (akong) kaklase na biglang lumapit sa akin at bigla akong sinampal out of nowhere,” ito ang pagtatapat ni Ella Cruz na biktima raw ng bullying noong bata pa siya.


Sa virtual mediacon ng Gluta na mapapanood na sa Hulyo 2 ay inamin ng aktres na noong nasa probinsiya pa siya at nag-aaral ay maraming nambu-bully sa kanya lalo’t nagso-showbiz na siya noon.


“I have good grades at nagtataka sila paano ako nakaka-catch up, eh, nag-aartista na ako noon. Tapos, nu’ng tinanong ko kung bakit ako sinampal, sagot lang sa akin, ‘Wala lang.’


“Meron pang isang beses sa hallway din na grupo ng mga babae na mocking me na parang ‘Why do I do this and why do I do that.’ And yes, nabu-bully po ako at lagi akong umiiyak sa ate ko.


“Ate ko ang lumalaban sa mga ka-batchmate ko na lagi akong binu-bully. Ayaw kong maalala kumbaga sa past. Pero ‘yun ‘yung mga dahilan that made me stronger,” ang buong kuwento ng dalaga.


Gagampanan ni Ella ang isang Aeta girl na nangangarap sumali sa beauty contest nila sa school pero marami ang lumalait dahil sa kulay niya.


Nagustuhan namin ang trailer ng Gluta dahil ang husay ni Ella na puwedeng makatanggap ulit ng award tulad sa pelikulang Edward (2019) nila ni Louise Abuel.


Ang pelikulang Gluta ay hindi lang para sa mga taong may maitim na balat o kulay kundi para rin sa lahat dahil halos lahat ay gumagamit na nito, mapa-ordinaryong tao o kilalang personalidad.


Bukod sa pambu-bully ay inamin din ng dalaga na marami siyang insecurities lalo na sa pisikal niya dahil bukod sa maliit siya, hindi pa flawless nang magsimula sa showbiz.


“Growing up, siguro hanggang ngayon, meron pa rin akong insecurities. Pero minsan, kailangan mong ma-realize na meron tayong kani-kanyang kagandahan and in-accept ko nang merong mas magaganda sa akin.


“In-accept ko na siguro, mas maganda siya, pero siguro, mas magaling akong sumayaw. Lagi kong sinasabi, I don’t have much magazine covers. Siguro, hindi pang-magazine ang mukha ko.


“Sabi ko, okey lang, sige. Pero I have more projects na iba naman na blessings like movies na napu-fulfill ko and I have acting awards. ‘Yun talaga ang pinaka-nagsabi sa akin na I’m doing fine. I’m doing great. I’m doing good in this industry.


"Hindi man ako palaging nasa cover ng famous magazines na ‘yan, at least I have an award confirming that I’m doing great,” paliwanag nito.


Anyway, excited si Ella sa pelikulang Gluta dahil unang beses niyang nakatrabaho si Direk Darryl Yap na halos linggu-linggo yata ay may mediacon dahil sa dami ng pelikula niya sa Viva Films.


Kasama rin sa Gluta si Marco Gallo bilang si Bambino; si Juliana Parizcova Segovia bilang Uncle Goliath na sikretong gumagamit ng glutathione at kabahagi ng LGBT, ang anak-anakan ni Direk Darryl na si Rose Van Ginkel sa papel na Lovely at si Cristina Gonzales bilang guro ni Angel na nagsabing hindi siya maaaring maging anghel sa isang palabas dahil sa kulay ng kanyang balat.


Kaya sa Hulyo 2 ay abangan ang Gluta sa Vivamax at mapapanood din ito sa Middle East tulad ng UAE, Saudi Arabia, Kuwait, Oman, Bahrain, at Qatar.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page