ni Ryan Sison @Boses | June 6, 2024
Malapit-lapit nang mag-operate ang inilatag na mga elevator sa limang footbridge sa kahabaan ng EDSA Busway.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), tinatarget nilang mabuksan ang mga ito ngayong Hunyo.
Ani DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Jesus Ferdinand Ortega, sana ay maging functional na ang mga elevator nitong June bago dumating ang July para makatulong sa mga pasahero sa busway.
Tanggap naman ng mga pasahero ang pagkakaroon ng mga busway elevators, lalo ang mga senior citizen na nahihirapang gamitin ang footbridge.
Ilan sa mga senior ang nagsabing sana ay matapos na agad ang mga ito para hindi na sila masyadong mapagod sa pagsakay sa EDSA Busway habang ang iba naman ay nagpahayag na kapag naayos na ang mga elevator ay hindi na sila mahihirapan pang umakyat ng hagdan.
Samantala, inihayag din ng kagawaran ang posibleng pagbubukas naman ng unang 12 stations ng MRT-7 sa pagtatapos ng 2025.
Batay sa DOTr, ang 12 rutang target na buksan ay mula North Avenue sa Quezon City hanggang San Jose Del Monte, Bulacan.
Sinabi ni DOTr Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino na inaasahan nilang ang dalawang susunod na istasyon, ang Station 13 at 14 ay magiging operational naman makalipas ang isang taon.
Pagliwanag ni Aquino, ngayong buwan, magkakaroon ng joint inspection sa local government unit (LGU) para sa kanilang proposed alignments upang mapag-aralan kung ano ang magiging mas beneficial o makabubuti para sa mga constituent ng San Jose del Monte at para sa iba pang mga pasahero na gustong pumunta sa naturang lugar.
Mainam ang naisip ng pamahalaan na paglalagay ng mga elevator para sa mga pasaherong sasakay ng EDSA Busway.
Mas magiging maginhawa na rin ito sa kanila habang hindi na sila akyat-panaog pa sa mga hagdanan na nakatalaga bago ang pagsakay ng bus, na sadyang pahirapan din para sa ating mga komyuter na lolo at lola, buntis at persons with disability (PWD).
Sana lang ay matapos na ang paglalatag ng mga ito at mabuksan agad upang marami na ang makagamit.
Paalala lamang sa kinauukulan na dapat na tiyaking maayos at safe ang mga elevator na ilalagay nila sa mga footbridge bago tuluyang mag-operate para maiwasan ang anumang problema at disgrasya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments